5 OFW sa Dubai nasunugan

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 01:07 PM | Updated as of Aug 07 2019 03:40 PM

Nagliliyab pa ang flat ng limang Pinay sa Dubai International City. Rachel Salinel, ABS-CBN News

DUBAI - Ligtas ang limang Pinay sa sunog na naganap sa kanilang flat sa Dubai International City, Martes ng gabi dahil na rin sa maagap na pagresponde ng Dubai Civil Defense.

Pahayag ng isa sa mga biktima na si Cristina Mina, napakabilis kumalat ng apoy na galing sa kanilang kuwarto. Sa sobrang bilis, wala raw silang nabitbit na gamit.

Maagap din ang pagdating ng tulong sa kanila galing sa mga kababayan na nakatira sa gusali kung saan naganap ang sunog. 

Isa sa agarang tumulong ay si Michael Bandigan na may bakery sa lugar. Matapos pakainin sina Mina at apat pang kasamahan niya, tumuloy sila sa apartment ng isang kaibigan para doon matulog.

Samantala, handa namang patuluyin sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) compound ang mga nasunugan habang sila ay walang matutuluyan. 

“They can proceed to POLO anytime,” ayon kay Labor Attach√© Felicitas Bay.

Isa rin si Cathy Ordonez, isang human resources manager sa Dubai, sa nag-alok ng pansamantalang matitirahan sa mga nasunugang Pinay. May mga damit rin siyang inialok sa kanila.

Handa na ring kumilos ang Bayanihan Festival Group na pinangungunahan ng chairman nito na si Josie Conlu Romulo sa Dubai. 

“Maghihintay na po kami ng mga tulong,” ani Romulo.

Naka visit visa ang dalawa sa kasamahan ni Mina habang tatlo ay mga live-out nannies sa Dubai.

Iniimbestigahan pa ng awtoridad ang pinagmulan ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.