Haponesang nakagat ng pusang gala, patay sa sakit na dala ng garapata

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 05:39 PM

Namatay ang isang babaeng Japanese dahil sa virus na dala ng mga garapata matapos siyang makagat ng isang pusang gala.

Kinagat umano ang babae ng pusa matapos niyang dalhin ang hayop sa isang veterinary hospital noong nakaraang taon. Pagkatapos ng 10 araw mula nang makagat ng pusa, namatay ang Haponesa.

Kinumpirma ng awtoridad na nagkaroon ang babae ng severe fever with thrombocytopenia syndrome (SFTS), isang sakit na naililipat sa pamamagitan ng kagat ng isang grupo ng garapata na nagdadala ng virus.

Dati nang naiulat na maaaring mahawa sa sakit na ito sa pamamagitan ng paglapat ng dugo mula sa naimpeksiyong tao. 

Subalit, naniniwala ang ministry officials na maaaring ito ang unang kaso ng taong namatay dahil sa kagat ng naimpeksiyong hayop.

Ayon sa isa pang opisyal, walang senyales na nakagat ng garapata ang babae.

Nagdudulot ng sintomas na malubhang lagnat, pagsusuka, at diarrhea ang SFTS.

Wala namang gamot o bakuna para sa nasabing sakit. 

Ayon sa isang opisyal, ang pag-iwas na makagat ng mga garapata ang pinakamabuting paraan para maiwasan ang pagkakahawa sa sakit na ito.

--Ulat mula sa Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.