TFC News

Phase 2 Heightened Alert, ipatutupad sa Singapore sa July 22

TFC News Singapore

Posted at Jul 21 2021 02:54 PM | Updated as of Jul 24 2021 01:59 PM

Dahil sa pagtaas ng locally transmitted cases sa Singapore, nagbaba ang MOH o Ministry of Health na muling ipatutupad ang Phase 2 Heightened Alert simula ika-22 ng Hulyo hanggang ika-18 ng Agosto, 2021.

Pinapawalang saysay nito ang mas naunang anunsiyo ng MTF o Multi-Ministry Taskforce sa pagpapatupad ng community measures sa ilalim ng Phase 3 Heightened Alert mula ika-19 ng Hulyo hanggang ika-8 ng Agosto, 2021.

Ang panibagong safety measures na tatagal ng halos isang buwan ay bunsod na rin ng pagtaas ng COVID-19 cluster infection na nadiskubre ng MOH sa mga lugar tulad ng KTV lounges o nightclubs, sa JFP o Jurong Fishery Port at iba pang wet markets at hawker food centres.

Dagdag pa ng MOH, nakapagtala sila ng 46 community cases kada araw sa pagitan ng ika-12 hanggang ika-18 nito lamang buwan. Ito na ang pinakamataas na numero ng mga nagpopositibo sa virus sa kanilang datos mula Abril 2020.

“Hence, in the meantime, we must act decisively to contain the current outbreak and minimise the risk of our hospital capacity being overwhelmed, while we race ahead to vaccinate those who have not completed or started their vaccination,” pahayag ng MOH sa kanilang official website.

Ayon pa sa ahensya, sumasailalim ngayon sa quarantine ang lahat ng manggagawa ng JFP at nagsimula na rin sila ng mass surveillance testing sa mga stallholder at stall assistants ng mga palengke at hawker centres na pinamamahalaan ng NEA o National Environment Agency at NEA-appointed operators.

Sa ilalim ng Phase 2 Heightened Alert, para sa social gathering, mula sa limang katao, dalawang katao na lamang ang pinapayagan at maging ang mga bisitang pwedeng tanggapin sa bahay ay hanggang dalawang katao lamang kada araw. Ang work-from-home scheme pa rin ang default setup sa workplaces.

Pinapayuhan ng MOH ang publiko na bawasan ang social interaction para maiwasan ang local virus transmission. Hinihikayat din ang mga residenteng hindi pa bakunado laban sa COVID-19 na magparehistro online.

Source: Ministry of Health Singapore