PatrolPH

Matapos ang 24 taon, lalaki sa China nakasama ang anak na nakidnap noong 1997

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2021 01:52 PM

Makalipas ang 24 na taon, nakapiling na ng isang lalaki sa China ang kanyang anak na dinukot noong 1997 noong ito'y dalawang taong gulang pa lamang. 

Sa video report ng state media na CGTN, emotional na niyakap nina Guo Gangtang, 51, at asawa ang kanilang anak na si Guo Xinzhen sa Liaocheng, Shandong noong Linggo.

"Today is very important for me," wika ni Guo sa social media. "My kid has been found. The future is full of happiness. God treats us kindly."

Dati nang isinapelikula ang karanasan ni Guo sa 2015 film na "Lost And Love" na libreng ginanap ng Hong Kong actor na si Andy Lau. 

Ikinatuwa naman ng aktor na si Lau na nakapiling na ng mag-asawa ang kanilang anak. Aniya, sa pelikula niya nakilala ang pagiging pursigido ni Guo na mahanap ang nawawalang anak. 

Naaresto na rin ang dalawang sangkot sa pagdakip sa anak ni Guo, sabi ng Ministry of Public Security noong Martes. 

"I'd like to say to Brother Guo that I admire your persistence. I also want to salute the police authority for their years of efforts," ani Lau na nanawagan sa publiko na suportahan ang anti-abduction work ng pulisya. 

Nadakip si Xinzhen noong Setyembre 21, 1997 ng isang babae habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay sa Liaocheng. Dalawang taong gulang noong panahon na ito si Xinzheng. 

Sa pagkabahala sa nangyari ay bumagsak ang timbang at namuti ang buhok ng ama ng bata isang buwan makaraan ang pagdakip dito. Magmula noon, parating dala ng ama ang retrato na naglalaman ng impormasyon ng kaniyang anak sa pag-asang mahanap pa ito. 

Ikinabit ni Guo sa motor ang mga karatulang may retrato ng kaniyang anak at inilibot sa lahat ng mainland provinces at mga rehiyon sa nakalipas na 24 taon sa hangaring magkaroon ng kaalaman tungkol sa kinaroroonan ng nawawalang anak. 

Kalahating milyong kilometro ang nilibot ni Guo at 10 motor ang napaglumaan para mahanap ang anak. 
 
"Only on the road, I felt I am a father," ani Guo sa Qili News noong 2015 bago ipalabas ang pelikula. 

"I have no reason to stop (searching). And it's impossible for me to stop." 

Maraming bahagi ng pelikula ay naging karanasan ni Guo - mula sa mga aksidente, pangungutya, at pagtulog sa mga paanan ng mga tulay kapag wala siyang pera para mag-check in sa mga hotel. Pero masaya ang naging katapusan ng pelikula at nahanap ng karakter ang kaniyang nawawalang anak. 

Aminado rin si Guo na naisip niya ring magpatiwakal pero nabago ang kaniyang pasya nang makita ang mga retrato ng kaniyang anak sa kaniyang mga motor. 

"My son seemed to be saying to me, 'Dad, Xiao Liu (palayaw ng bata) is accompanying you in the rainstorm,” aniya. 

"Many people say I am a great father. But I am not great at all… I am helpless. I just lack the courage to restart life after experiencing tremendous hardship. Therefore I kept on searching,” dagdag niya. 

Nagpatayo rin si Guo ng website na layong tulungan ang mga magulang na may nawawalang anak at nagdagdag ng ilang impormasyon patungkol sa child safety. 

Sa tulong ng impormasyon sa website, aabot na sa 100 nadakip na bata ang nasagip ng pulisya. 

Natupad din ang mga pangarap ni Guo nang makumpirmang anak niya si Guo XInzhen sa pamamagitan ng blood test noong Hunyo. 

May apilyedong Tang ang babaeng dumakip kay Xinzhen. Naging kasintahan ito ng lalaking may apilyedong Hu, na nagdala at ibinenta ang bata sa Henan. 

Nakulong naman sa Shanxi si Hu, 56 anyos, sa ibang krimen nang matukoy siya bilang suspek sa pagdakip kay Xinzhen. Naaresto naman si Tang, 45 anyos noong Hunyo.

Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye ang mga awtoridad tungkol sa dalawang suspek. 

Sabi ni Peng Sanyuan, direktor ng pelikula, sa Chutian Metropolis News na hindi naging malayo ang tinirhan ng bata sa hometown ng kaniyang ama. 

"As far as I know, the son has received a university education. The family which has raised him is financially decent," ayon kay Peng sa ulat. 

Aabot na sa 2,609 biktima ang nahanap simula noong umarangkada noong 2020 ang Reunion Project, na inisyatibo ng ministry para pabilisin ang imbestigasyon sa pagdadakip ng mga bata. Dito, naresolba ang isang kaso na 61 taon na ang nakalipas. 

Aabot na rin sa 372 suspek sa lugar ang naaresto sa pagkasangkot sa 147 kaso ng child abduction, ayon sa ministry. 

— Isinalin mula sa ulat ng South China Morning Post 

Sa mga gustong humingi ng psychological first aid, kontakin lang ang mental health crisis hotline sa mga sumusunod: 

[EDITORS NOTE] 

Sa mga gustong humingi ng psychological first aid, kontakin lang ang mental health crisis hotline sa mga sumusunod: 

Mental health crisis hotlines:

  • 1553
  • 09663514518
  • 09178998727
  • 09086392672
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.