7-taon hatol sa driver ng naaksidenteng bus sa Dubai

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 04:48 PM | Updated as of Jul 13 2019 05:49 PM

DUBAI – Nahatulan na ng 7 taong pagkakabilanggo ang isang Omani driver sa malagim na aksidenteng kumitil sa buhay ng 17 pasahero nito, kabilang ang isang Pilipina sa Dubai.

Pinagbabayad din ng korte ang bus driver ng Dhs 3.4-milyon o P47-M bilang blood money sa mga pamilya ng mga nasawi noon Hunyo 6 habang papuntang Dubai ang bus mula Oman.

Bukod sa mga nasawi ay may 13 pang katao na nasugatan sa aksidente.

Ipadedeport din ang 53-anyos na driver matapos ang kaniyang pagkakakulong. Siya rin ay ipinagbabayad ng karagdagang Dhs 50,000 (P700,000) na multa at sususpindehin ang kaniyang lisensiya ng isang taon.

Isa sa mga nasawi ay ang 37-anyos na Pinay na si Marie January Ventura Gallardo. Si Gallardo ay nagtatrabaho bilang isang physical therapist sa Jalaan Banu Hassan sa South Sharqiyah sa Oman. Siya ay tubong Jones, Isabela at may naiwang dalawang anak.

“Patayin man natin yung driver hindi na natin maibabalik pa ang buhay ng 17 na nadisgrasya niya. Maybe he did not want this to happen too. The blood money will not compensate for my daughter’s life but then we have to move on,” pahayag ng kaniyang ina na si Joventina.

Masakit man, kailangan umano niyang tanggapin na wala na ang anak.

“Masakit kasi sudden at araw-araw pa rin akong umiiyak. However, I have to accept it kasi hindi ko na maibabalik pa ang lahat,” sabi niya.

Inamin ng driver sa Dubai Traffic Court ang kaniyang pagkakamali. Aniya, nasilaw siya sa sikat ng araw kaya nadisgrasya sa Al Rashidiya Exit sa Mohamed Bin Zayed Road sa Dubai alas-5.40 ng hapon. 

Ang 12 sa 17 namatay na pasahero ng Mwasalat bus ay Indian, dalawa ang Pakistani, at tig-isang Irish, Omani at Pilipino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.