PatrolPH

Pinoy, comatose matapos makitang bugbog-sarado sa kalye sa Riyadh

JP Aleta, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Jul 05 2018 07:28 PM | Updated as of Apr 25 2019 04:57 PM

Pinoy, comatose matapos makitang bugbog-sarado sa kalye sa Riyadh 1

RIYADH, Saudi Arabia (UPDATED) – Isang Pinoy waiter ang comatose ngayon sa pagamutan sa Riyadh matapos matagpuang bugbog-sarado sa kalsada.

Duguan, sugatan, basag ang bungo at walang malay. Ito ang kalunos-lunos na sinapit ng overseas Filipino worker na si Aljun Andrade, 27-taong gulang at tubong Aklan.
 
Natagpuang agaw-buhay si Andrade noong Hulyo 1, dakong alas-10 ng gabi sa mismong harapan ng kanilang company accommodation. 
 
Isang oras bago mangyari ang insidente, ka-chat pa umano ni Andrade ang isang kaibigan sa Dubai. 

Ayon sa kaniyang kaibigan, nagpaalam daw ito para tulungan ang isang kababayan na umano’y na-holdap sa mismong ibaba ng kanilang company accommodation.  

Watch more News on iWantTFC

Agosto ng nakaraang taon nang dumating si Andrade sa Saudi Arabia para makatulong sa kaniyang pamilya.

“Si Aljun bilang kapatid, kahit walang-wala siya basta meron si ate niya, meron yung kapatid, meron yung pamangkin, napakabait n’yan na kapatid. Siya lang inaasahan namin na aahon sa hirap. Hindi niya kami pinapabayaan halos lahat ng sahod niya pinapadala niya dito,” sabi ng kaniyang kapatid na si Charissa Fernandez.
 
Nang gabing maganap ang insidente, humingi ng tulong-pinansyal si Andrade sa mga kabigan para sa kapatid niyang nasa ICU sa Pilipinas na biktima naman ng hit-and-run. 
 
Agad namang binisita ng mga taga-embahada si Andrade sa ICU.
 
“We promised everyone that the embassy will provide the necessary information with the consent of the family. We just hope and pray that Aljun’s condition will significantly improve in the next few days,” sabi ni Ambassador Adnan Alonto.
 
Iniimbestigahan pa ngayon ng Saudi authorities ang insidente.
 
“I guess for now, we will withhold any kind of information as far as the case is concerned because it is still undetermined, the facts are very raw,” dagdag ni Alonton. 
 
Humihingi naman ng panalangin at hustisya ang mga kaanak ng biktima.
 
“Nananawagan po ako at humihingi ng tulong sa lahat lahat, lalong-lalo na sa mga kababayan natin sana po ipinalangin niyo po ang kapatid ko. Sa lahat po ng tumutulong sa amin lalo na sa kapatid kong si Aljun Andrade, taus-puso kaming nagpapasalamat sa inyo kahit hindi namin kayo kilala, tumutulong kayo,” sabi ni Fernandez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.