Mga ipis unti-unti nang nagiging immune sa insecticide: pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 04:26 PM

MAYNILA – Nagiging immune na umano ang mga ipis sa epekto ng insecticide, ayon sa isang pag-aaral ng Purdue University sa Estados Unidos. 

Sa naturang pag-aaral na pinangunahan ni Michael Scharf, propesor ng Department of Entomology ng unibersidad, lumalabas na nagde-develop ng "cross-resistance" ang mga ipis na naiiwang buhay sa paggamit ng insecticide. 

Talamak umano ang problema na ito sa mga urbanisado at mga mahihirap na komunidad kung saan may kakapusan ng mga pamatay-peste.

"Cockroaches developing resistance to multiple classes of insecticides at once will make controlling these pests almost impossible with chemicals alone," ani Scharf.

(Ang mga ipis ay nakaka-develop ng resistance sa iba't ibang klase ng insecticide at nagiging halos imposible na ang pag-kontrol sa mga pesteng ito gamit lamang ang mga kemikal.)

Sa pag-aaral, sinubukan nina Scharf ang kanilang teorya sa ilang gusali sa mga estado ng Indiana at Illinois. 

Sa isang test, gumamit ng tatlong klase ng insecticide nang tatlong buwan at inulit, Sa ikalawa, gumamit ng magkahalong 2 insecticide sa anim na buwan. Sa ikatlo, gumamit ng isang insecticide na mababa ang resistance ng mga ipis. 

Sinuri ang mga ipis sa bawat lokasyon matapos ang bawat treatment para malaman kung anong paraan ang pinakamabisa. 

Habang nagpapalit ng tatlong klase ng insecticide sa anim na buwan, hindi dumami ang mga ipis ngunit hindi din ito nabawasan. 

Sa test na gumamit ng dalawang magkahalong insecticide, hindi rin nasugpo ang mga ipis. At sa paggamit ng isa lamang na insecticide, mas dumami pa ang mga ito.

Lumabas din na "namamana" pa raw ang immunity na ito ng mga nagiging anak na ipis. Ang babaeng ipis ay may reproductive cycle na tatlong buwan at kayang manganak ng 50. 

Sa pag-aaral, nakitang ang resistance ng ipis sa insecticide ay tumaas ng apat hanggang anim na beses. 

"A certain percentage of cockroaches would be resistant to a particular class of pesticide. Those that survived a treatment and their offspring would be essentially immune to that insecticide going forward," ayon sa pahayag na inilabas ng newsletter ng Purdue University ukol sa pag-aaral. 

(May porsiyento ng mga ipis na hindi natitinag ng ilang klase ng insecticide. Kapag isinailalim ang lugar sa isang treatment at nabuhay ang isang ipis, hindi tatablan ng insecticide ang naturang insekto at ang kanilang magiging mga anak.) 

Dahil dito, inirekomenda ni Scharf na sabayan ang paggamit ng pesticide ng ilang kagamitan gaya ng trap at vacuum. 

"Some of these methods are more expensive than using only insecticides, but if those insecticides aren’t going to control or eliminate a population, you’re just throwing money away," ani Scharf. 

(Ang ilang paraan na ito ay mas mahal sa paggamit lamang ng insecticide, pero kung ang mga insecticide ay hindi kayang ma-kontrol o masawata ang populasyon ng mga ipis, nagsasayang ka lang ng pera.)
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.