Bangkay ng OFW na namatay sa nasunog na barko, naiuwi na sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2018 10:20 PM

ILOILO CITY -- Dumating na nitong Linggo sa Iloilo International Airport ang bangkay ng isang overseas Filipino worker na namatay sa nasunog na barko sa Arabian Sea noong Marso.

Engine cadet ng container ship na Maersk Honam si Janrey Genovatin. Isa siya sa tatlong bangkay na natagpuan sa loob ng barko matapos itong masunog sa kalagitnaan ng Arabian Sea.

Ayon sa ama ni Janrey na si Rey, nalaman nila sa imbestigasyon na isinabak sa fire fighting ang kanyang anak kahit wala pa itong sapat na kaalaman dito dahil nasa antas pa lamang ng isang kadete ang naging training nito.

Bukod kay Janrey, isa ring engine cadet ng Maersk si John Rey Begaso, na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.

Paniwala ng ina nitong si Laila Begaso, maaring itinatago ng kumpanya ang anak dahil nagsisilbi itong saksi sa nangyaring sunog sa barko.

Kasalukuyang nawawala pa rin si Begaso, lalo na't hindi nagtugma ang DNA ng kanyang ina sa DNA ng mga bangkay na nakita sa barko.

Patuloy na nananawagan ng hustisya ang mga pamilyang Begaso at Genovatin. Ayon sa kanila, wala na silang tiwala sa Maersk Line dahil maraming inconsistencies sa kanilang imbestigasyon.

Ibuburol sa kanilang bahay sa Oton, Iloilo ang bangkay ni Janrey.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.