Tindahan ng barong sa Dubai, may kakaibang misyon

Rachel Salinel, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Jun 29 2018 09:16 AM

Ibinida ni Reeza Mariano Simpson na ang pagbili ng barong at Filipiniana ay makakatulong sa kalikasan dahil environment-friendly ang mga ito at malaking ambag din sa mga komunidad sa Pilipinas na siyang gumagawa ng mga produkto.

DUBAI – May kakaibang misyon ang Filipina shop owner ng barong at Filipiniana dresses sa Dubai na si Reeza Mariano Simpson mula nang magbukas ito ng boutique sa bansa.

“Every Filipino should really be proud in wearing Filipiniana or barong because 'yung other nationalities nga they wear their own traditional national dresses on a daily basis how much more for us at least on occasions such as special events,” pahayag ni Simpson.

Unang nagdala ng bags gawa sa abaca si Simpson ng Simpal Boutique sa United Arab Emirates (UAE) halos magdadalawang taon na ang nakakaraan.

Dagdag niya, maipagmamalaki ang produkto ng Pilipinas dahil ito ay environment friendly na napapanahong ikampanya para mapangalagaan ang kalikasan.

“Ang barong ay gawa sa pinya at saging naman sa mga abaca bags,” paliwanag niya.

Maliban daw sa layuning maipagmalaki ang Filipino national costume sa UAE, malaki rin ang maitutulong nito sa ekonomiya ng Pilipinas lalo na sa pinagkukuhanan niya ng mga barong at mga bags mula Bulacan, Batangas at Bicol.

“Naka-direct po kami sa mga kooperatiba sa Pilipinas at 'yung mga maybahay na gumagawa ng abaca bags lagi nilang sinasabi sa amin na malaking tulong yung kinukuha namin sa kanila,” ani Simpson.

Dahilan ito para maibenta nila ang mga damit at bags sa presyong pang masa na ang pinakamura ay kulang-kulang isang daang dirhamo (P1,400).

Hamon sa negosyong ito ang pagiging seasonal ang demand. Pero para kay Simpson, sulit ito sa buwan ng Hunyo tuwing ipinagdiriwang ang Philippine Independence Day at Oktubre naman para sa United Nations Day. 

Marami na rin daw tumatangkilik sa mga national dresses at accessories tulad ng Philippine pearl sa mga importanteng okasyon tulad ng kasal at formal events sa mga opisina at eskwelahan.

“Nakakatuwa pong maka-receive ng comments na buti na lang meron ng nagtitinda ng barong dito di tulad ng dati na nagpapabili at nagpapadala pa mula sa Pilipinas kapag kailangan,” sabi ni Simpson.

Pinaplano naman ni Simpson ang palawakin pa ang negosyo sa karatig na bansa ng UAE.

May payo naman siya sa mga nagbabalak pang mga Pinoy na entrepreneur sa bansa. "Kapag na feel mo na down yung business, at maggi-give up ka na, huwag! Kailangan mong mag hang-in there. Kailangan mo ng super super strong na perseverance,” bilin niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.