Pangarap at pag-ibig: Pinay singer, naglabas ng 2nd album sa Italy

Maricel E. Burgonio, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 12:03 PM | Updated as of Jun 26 2019 12:23 PM

TORINO, Italy - Natupad ng isang pop rock Filipina singer na dating X-Factor Italia contestant ang kaniyang pangarap na makapaglabas ng second album.

Inilunsad ni Nizzil Jimenez ang kaniyang second album na 'Rainbow' sa isang mini concert sa Torino. Ang ‘Rainbow’ ay may walong original English songs sa ilalim ng Seventy Records.

“Sa totoo lang ang Rainbow, parang ako. Sa dami ng pagsubok na dumating sa buhay ko, ngayon ko lang nakamit ang pangarap ko kaya nagiging makulay ang buhay ko na parang Rainbow," ayon kay Jimenez.

Dalawang Filipino composers ang lumikha ng apat na awitin sa album, kasama ang mga awiting akma sa buhay overseas Filipino worker (OFW) hinggil sa pag-ibig at pangarap.

Nilikha ni Eric Buenviaje, mula Cuneo, Italia, ang tatlong kantang 'I Reached My Dream', 'Going Home', at 'You Are The One'.

Nilikha naman ni Arthur Manuntag ang awiting 'To The Dance Floor'.

Ang ibang apat na awitin naman ay likha ng Italian composer na si Paolo Cutrufo, ang 'I Can't Live', 'Give Me Your Love', 'Live', at 'One Life'.

"Magugustuhan nila (OFW) ang awiting 'Going Home,'" ayon kay Jimenez, kung saan ang theme ng kanta ay tungkol sa kagustuhang makauwi na sa Pilipinas.

Halos 16-taon na sa Torino si Jimenez na tubong Lanao del Norte.

Ipinetisyon sya ng kaniyang Italyanong asawa noong 2003. Nagkakilala sila ng kaniyang asawa sa China noong 2001.

Nagsimulang magtrabaho ang soprano singer sa China bilang singer ng banda noong taong 2000 matapos na magtrabaho sa Manila.

"Kahit saang sulok ng mundo, nakaka-proud ang mga Pinoy. Naitaas natin ang bandila ng Pilipinas. Sana suportahan ninyo ako muli, ngayon naman sa second album ko na Rainbow," mensahe ni Jimenez sa mga OFW at supporters.

Marami sa supporters ni Jimenez ang nagbigay ng mensahe at nagpapirma ng autograph pagkatapos ng concert.

Nakatakda rin ang kaniyang album launch concert sa Cuneo, Italy sa darating na Sabado, June 29, sa Centro Don Marro Via Auriate 7. Ang kaniyang first album na ''My Dream' ay inilabas noong 2017 matapos ang pagsali niya sa X-Factor Italia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.