'80,000 marinong Pinoy, mawawalan ng trabaho kapag di pumasa ang Pilipinas sa EU audit'

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 11:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring mawalan ng trabaho ang tinatayang 80,000 marino na nakadestino sa Europa sakaling hindi pumasa ang Pilipinas sa akreditasyon o audit ng European Union (EU), ayon sa Integrated Seafarers of the Philippines.

Kapag lumagpak kasi ang Pilipinas sa audit, hindi kikilalanin ng European shipping companies ang certification ng mga marinong Pilipino.

"Ang isang idea is lahat ng ship-owners na Pilipino sa domestic, i-require na magkaroon ng trainees on board. The other alternative is we're looking into a training vessel," ani Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Felipe Judan.

Marso 2017 nang sabihin ng European Maritime Safety Agency (EMSA) na mayroon pang 59 aspeto na hindi nasusunod ang Pilipinas sa mga kinakailangang pamantayan.

Kabilang sa mga di pa nasusunod ng Pilipinas ay ang international standards sa quality management at ang kalidad ng training ng mga maritime school sa bansa.

Apat na buwan na lang ang nalalabi bago ang deadline na ibinigay ng EMSA sa Pilipinas para makapagpasa ng plano.

Pero kahit ipit na sa oras, tingin ng DOTR, kakayanin pang makapagpa-accredit.

Umaasa rin ang party-list group na ACTS OFW na matutugunan agad ang hinihingi ng EMSA.

"We are counting on Gen. Rey Leonardo Guerrero to manage the risks associated with EMSA's audit and to build up compliance," pahayag ni ACTS OFW party-list Rep. Aniceto "John" Bertiz III

Nangangamba rin ang ilang seafarer sa maganding kita na kadalasa'y laan sa mga marino sa Europa.

"Maapektuhan talaga dahil kapag hindi nila naaprubahan 'yon, mahihirapan kaming makasakay, tsaka ando'n ang malalaking suweldo sa European [Union]... kapag may kulang ka sa experience, di ka rin tinatanggap nila," ani Narciso Macalintal, isang seafarer.

Kung magkataong tuluyang hindi pumasa ang Pilipinas sa EU accreditation, maaapektuhan din ang tinatayang bilyong dolyar na halaga ng remittances ng mga marinong Pinoy kada taon.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News