OFW sa Dubai, ligtas na mula sa bitay

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 11:50 AM | Updated as of Jun 20 2017 11:11 PM

Pag-uwi sa GenSan, inaasahan sa 2019

Ligtas mula sa bitay ang overseas Filipino worker na si Jennifer Dalquez matapos itong mapawalang-sala ng korte ng United Arab Emirates sa kasong murder. Gayunpaman, kailangan pa rin nitong tapusin ang limang taong sentensiyang pagkakakulong. 

Natanggap ni Rajima Dalquez, ang ina ng nailigtas na OFW, ang magandang balita mula sa Department of Foreign Affairs noong Lunes ng gabi. Pinawalang-sala ng korte ang kanyang anak sa kasong pagpatay sa amo.

"Maraming salamat sa lahat, sa lahat ng mga tumulong sa amin. Nilaban ko ito dahil naniniwala akong walang kasalanan ang anak ko," ayon kay Rajima. 

Pinawalang-sala si Jennifer ng Court of Appeals ng UAE noong Hunyo 19, 2017, ayon sa ulat sa Department of Foreign Affairs ng embahada ng Pilipinas sa UAE. 

Retrato ni Jennifer Dalquez, ang overseas Filipino worker sa Dubai na nailigtas mula sa bitay.

Nalaman lamang ni Jennifer ang magandang balita nang tawagan nito ang ina kagabi ng Lunes. Naluha raw si Jennifer nang marinig ito. 

"Masayang-masaya siya. Hindi siya makapaniwala. Excited na siyang umuwi para mahatid na niya sa eskuwela ang mga anak niya," kuwento ni Rajima.

Nasentensiyahan ng bitay si Jennifer Dalquez ng korte ng United Arab Emirates noong Mayo 2015 dahil sa pagpatay sa kanyang amo noong Disyembre 2014. Dinala naman ang kasong ito sa UAE Court of Appeals. 

Sinaksak umano ni Jennifer ang kanyang amo matapos nitong tangkaing gahasain siya, ayon sa pahayag ng OFW. 

"Walang kasalanan ang anak ko. Self defense lang ang nangyari, nilaban niya ang kaniyang karapatan, ang kaniyang pagkababae," ayon kay Abdulhamid Dalquez, ang ama ni Jennifer. 

Dineklara naman ng Court of Appeals na inosente si Dalquez, at hindi na niya kailangan pang magbayad ng diyyah o blood money.

Gayunpaman, limang taong pagkakakulong ang sentensiya ng korte kay Jennifer dahil sa kaso niyang pagnanakaw ng cell phone. Inaasahan namang makauuwi siya sa General Santos City sa taong 2019. 

"Nakulong na siya nang dalawa at kalahating taon kaya sa 2019 makakauwi na siya," ayon kay Rajima.

Ikinatuwa ito ng mga Pinoy sa loob at labas ng bansa. Nagpasalamat naman ang embahada ng Pilipinas sa justice system ng Abu Dhabi para sa pagkakaligtas kay Dalquez mula sa bitay. 

"So that's good news for all of us-- that justice system here in the UAE works, at hindi naman nagtagal at naresolba agad ang kaso. The judicial system worked. We are happy for Jennifer, and we are happy for the family of Jennifer Dalquez," ayon kay Ambassador Constancio Vingno ng Philippine Embassy in the UAE.

-- Ulat nina Maxxy Santiago, Jay Dayupay, Rowie dela Cruz, at Vivien Napeñas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.