Japan mangangailangan ng hanggang 60,000 caregivers: POEA

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 09:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aabot sa 60,000 caregivers ang kakailangin ng Japan sa susunod ng 5 taon dahil sa kanilang tumatandang populasyon, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

"Malaki at mataas iyong kanilang aging population so ine-expect nila in the coming years, magkakaroon ng malaking labor shortage," ani POEA administrator Bernard Olalia.

Maaaring mag-apply bilang caregiver sa Japan sa POEA o sa mga lisensiyadong recruitment agency.

Nakatakda ring buksan ang job orders sa Specified Skill Worker Visa 1 and 2 sa mga susunod na buwan.

"Both the government and the employment track, walang placement fee, walang employment fee," ani Olalia.

Hindi naman kailangan umano ng karanasan para maging caregiver.

Pasok agad ang mga nursing graduate at mga may National Certificate 2 (NC-2) mula sa Technical Education and Skills Development Authority.

Nasa ¥200,000 o P95,776 ang sahod ng mga caregiver sa Japan.

Isang kooperatiba rin na miyembro ng samahan ng mga caregiving institution at ospital sa Japan ang nagbibigay ngayon ng caregiver training sa mga Pinoy.

Makatutulong ito para mas madaling makapasa ang mga Pinoy na nag-a-apply bilang caregiver sa Japan.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.