Pinoy na nakapatay ng kababayan sa Italy, hinatulan na

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 10:34 AM

Nahatulan ng 15-taong pagkakabilanggo si Melvin Arca, ang Pilipinong nakapatay ng kapwa Pinoy halos isang taon na ang nakalipas sa Padova, Italy. Larawan mula sa Padova, Italy Police

Nasentensiyahan ng 15-taong pagkakabilanggo ang isang 36-anyos na Pilipinong nakapatay ng kababayan noong nakaraang taong sa Padova, Italy.

Napatay ni Melvin Arca ang kaibigan na si Walter Crispin Sahagun noong Hulyo 2018. Nagtamo ng 37 tama ng kampit si Sahagun mula kay Arca na ikinamatay nito.

Pauuwiin si Arca sa Pilipinas pagkatapos ng sentensya nito.

Samantala, kalaboso naman ang 46-anyos na Pinoy sa Milan dahil sa ilegal na droga. Nakuha sa Pinoy ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at 1,000 euro o katumbas ng P58,000 noong Hunyo 8.

Sinalakay ng mga pulis ang bahay ng Pinoy at doon natagpuan ang 1.5 gramo ng shabu at iba pang kagamitan.

Natagpuan din ang 26 na bisikleta, 3 rito ay mamahaling race bikes -- at isang scooter na hinihinalang nakaw.

Bumuhos naman ang komento ng mga Pinoy na naalarma sa ginawa ng kababayan matapos ipost sa social media ng Milan Police ang insidente.

Hiling ng mga Pinoy na mapuksa ang ilegal na droga sa Italya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.