Mga Pinoy sa 2 nasirang tanker, nasa maayos na kalagayan sa UAE

Rachel Salinel at Vivien Napenas, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 10:30 AM

Nasa maayos na kalusugan sa United Arab Emirates ang lahat ng Filipino seafarers na kasama sa insidenteng naganap sa Strait of Hormuz noong Hunyo 13, ayon sa kinatawan ng Pilipinas sa bansa.

Binisita ni Philippine Ambassador to the UAE Hjayceelyn Quintana ang 11 Filipino seamen mula sa MT Front Altair, at ang 21 pang Pinoy crew ng MT Kokuka Courageous.

Lulan ang mga Pinoy ng dalawang tankers na nasira sa naganap na pag-atake sa Gulf of Oman.

Ayon kay Quintana, nagpapasalamat ang mga seafarers sa pagkalinga na ibinibigay sa kanila ng gobyerno, maging ng ilan pang mga taong may kinalaman sa pagsagip sa kanila.

Kasalukuyang nasa teritoryo ng Kalba Port ng UAE ang tanker ng Kokuka Courageous habang inaasikaso ng mga lokal na ahensiya ng tanker sa Fujeirah ang kanilang repatriation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.