Sobrang suwerte! Lalaki sa France, 2 beses nagwagi sa lotto

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 01:13 PM

PARIS, France - Isang lalaki sa France ang dalawang beses nang nanalo sa parehong lotto game sa loob lamang ng 18 buwan o isa't kalahating taon, ayon sa lumabas na ulat ng Le Parisien newspaper nitong Miyerkoles. 

Sa tantiya ng mga mathematician, pambihirang pagkakataon lamang ito na may tiyansang "16 trillion to one" mangyari. 

Ayon sa pahayagan, mula sa silangang rehiyon ng Haute-Savoie ang lalaking hindi pinangalanan. 

Unang nagwagi ang lalaki noong Nobyembre 11, 2016 at sunod noong Mayo 18, 2018 sa larong tinatawag na "My Million."

Konektado ang nasabing lottery sa Euro Millions franchise na tampok sa 12 bansa sa Europe dalawang beses sa isang linggo, na minsan pa'y may papremyong umaabot sa €100 milyon.

Awtomatikong pasok sa My Million draw na may premyong €1 milyon ang mga tao sa Pransiya na bumibili ng Euro Millions ticket.

Inihahambing ang suwerte ng naturang Frenchman sa naging panalo ng isang lalaki sa Australia noong Mayo, kung saan nagwagi ito sa lotto ng dalawang beses sa parehong linggo. 

--Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.