TFC News

Ilang Overseas Filipino Workers sa South Korea, nabiktima ng scam

Gennie Kim | TFC News South Korea

Posted at Jun 06 2023 08:33 AM

Watch more News on iWantTFC

SOUTH KOREA - Dumulog sa Embahada ng Pilipinas sa Korea ang ilang OFW na nabiktima ng scam. At ang suspek, isang Pinay. 

Matapos buksan muli ang Korea para sa mga Overseas Filipino Worker noong 2022 lumipad na agad si alyas Marla para magtrabaho sa isang manufacturing company sa Gyeonggido area.

Ipinangutang ni ‘Marla’ ang kanyang pamasahe at iba pang gastusin mula sa isang nakilalang Pinay na negosyante sa Korea. Sa kanilang kasunduan, babayaran ito kapag nakapagsimula na siya sa trabaho. Nang nasa Korea na, naisip ni ‘Marla’ na mangutang sa bangko para sa kanyang mga pangangailangan. Dito na muli nag-alok umano ng tulong ang negosyanteng Pinay.   

“Hiningi nila po passport, contract, alien registration id, bank book at pin number po ng aming atm. At sila na lang daw po bahala mag-process,” kwento ni ‘Marla’ sa TFC News.   

33 million won o 1.3 million pesos ang ipinautang umano ng lending company kay ‘Marla’ pero 7 million won lang ang napunta sa OFW habang ang 26 million won ay napunta sa negosyanteng Pinay na nangakong aakukin ang pagbabayad ng monthly payment nito. Pero ‘di nagtagal, namroblema na si ‘Marla’ sa pagbabayad ng utang. 

“Delayed na ang bayad. Nahirapan kami na automatic deduction sa sweldo namin at mayroon na ring court order to pay. Wala na kaming maipapadala sa pamilya namin. Ang mga lending company pinupuntahan na po ako dito sa company, nahihiya ako sa amo ko po at kasi sila madalas tinatawagan. At walang wala na po kami kahit pangkain dito. Pinapadalhan po kami ng OWWA ayudang pagkain. Sinagad po talaga ang 3 years namin contract sa loan,” pahayag ni ‘Marla.’  

Bukod kay ‘Marla,’ may ilan pang OFW na nabiktima ng sinasabing Pinay scammer sa parehong modus ang dumulog sa Assistance to National o ATN ng Embahada ng Pilipinas. Ayon pa sa ATN, tinatayang higit isandaan at limampu na ang nabiktima ng nasabing scammer. 

Sinamahan ng mga kinatawan ng embahada ang mga kababayang nabiktima para maghain ng reklamo sa police station at petisyon sa korte para ipaliwanag sa lending companies na nabiktima sila ng modus ng negosyanteng Pinay. Naglabas na rin ang mga otoridad ng hold departure order laban sa inirereklamong Pinay scammer.

Hiningan ng TFC news ng pahayag ang inirereklamong negosyante pero wala pa siyang tugon.   

Muling nagpaalala ang embahada sa mga Pinoy rito sa South Korea na huwag ipahiram ang kanilang mga bank account at personal information sa iba para hindi mabiktima ng anumang scam. 

Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.