61 stranded Filipino seamen sa Dubai nakauwi na

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 01:08 PM

Contributed photo

DUBAI - Nakauwi na sa Pilipinas ang 61 na Filipino seafarers ng commercial cruise ship M/V Horizon lulan ng chartered flight mula Dubai International Airport nitong Huwebes.

Kasama sila ng 75 seamen ng Royal Caribbean Cruises LTD na nanatili sa Port Rashid sa Dubai mula February 27 dahil sa COVID-19 pandemic. 

Ilan sa kanila ay naging positibo pa sa coronavirus at gumaling habang may lockdown sa bansa. May 14 pang naiwan sa emirate kung saan 8 dito ay nakatakdang lumipad sa Pilipinas sa June 6.

“Masayang makakauwi na kami at maganda ang kondisyon namin. Dalawang buwan din akong na-quarantine mula nang dumating kami sa Dubai," sabi ni Edgar Roxas, 54, tubong Imus, Cavite. 

Aniya okay lang daw na dumaan pa rin siya sa mandatory quarantine pagdating sa Pilipinas.

Halong saya at takot naman sa pag-uwi ang nararamdaman ng cleaner na si Israel Rodriguez, 35, laking Naic, Cavite. 

“Nasasayahan at makakauwi na pero natatakot pa rin sa virus,” aniya sa panayam bago lumipad pabalik ng Pilipinas. 

Lahat ng mahigit 60 crew members ay nabigyan ng pahintulot makalipad bitbit ang medical certificate na sila ay negatibo sa COVID-19. 

Nag-coordinate ang Philippine Overseas Labor Office sa Dubai at Northern Emirates, ang Overseas Workers Welfare Administration at Royal Caribbean Cruises LTD. para sa pagpapauwi ng mga seaman.

Sa kasalukuyan, may 36,359 COVID-19 cases na ang naitala ng United Arab Emirates Ministry of Health and Prevention. May 270 nang namatay, 48 dito ay mga Pilipino.

Ang mga OFW na nare-repatriate mula sa iba't ibang bansa ay kinakailangan munang dumaan sa 14-day quarantine at COVID-19 test pagdating sa Pilipinas bago sila tumungo sa kani-kanilang bayan.