INDONESIA - Muling ipinagdiwang ang Pinoy Fiesta sa Jakarta, Indonesia. Todo ang saya sa mga palaro at iba ibang pakulo.
Fiestang fiesta ang gayak ng Bina Bangsa School Sa Pantai Indah Kapuk, Jakarta, Indonesia. Animo’y talagang nasa Pilipinas ka.
Marami ang nasabik sa pagdiriwang ng Pinoy fiesta na tatlong taon ding naudlot dahil sa pandemya. Labis din ang tuwa ng mga pamilya na ipakilala ang ilang larong Pinoy sa kanilang mga anak.
“It’s really enjoyable. It’s the first time we joined the Pinoy Fiesta and the first time in 3 years during the pandemic. It’s really fun to see the Filipino community enjoying it. And having my son try Pinoy games for the first time,” sabi ng Pinoy na si Robin De Vera.
Nakisaya rin si Philippine Ambassador Gina Jamoralin at Ambassador and Permanent Representative ng ASEAN na si Joy Quintana na na-miss din ang mga ganitong pagtitipon.
“Andito ako sa fiesta, we can taste Filipino food and also a lot of items from the Philippines,” sabi ni Amb. Gina Jamoralin.
Itinampok din sa bazaar ang iba-ibang produkto at pagkaing Pinoy. Syempre pa, bida sa fiesta ang litson na paborito nating mga Pinoy. May paligsahan din sa pinakamagandang kasuotang Pinoy.
“It’s been a long time since I went to Philippines and just to feel that I am also in my home country kaya sinuot ko po,” sabi ni Noemi Gonzales, isang teacher dito sa Indonesia.
Ang matagumpay na Pinoy Fiesta 2023 ay bunga ng ilang buwang paghahanda ng Filipino community at ilang organisasyon.
“We are not expecting that ganito karami ang pupunta. As of last count, before nag-close ang registration, we have 1,050 attendees. Then vendors, sponsors maraming salamat. The preparation syempre madugo yan but it’s all worth it,” ani Pinoy Fiesta 2023 Secretariat Stella Arungayan.
“We have all the support of the Filipino community. Lahat ng Filipino community here, the IndoPhil, the Philippine Golf, PBCI, PWA. All of them supported this event kaya more manpower, less outsourcing,” ani Pinoy Fiesta 2023 Chair Betty Abalos.
Umaasa ang lahat na malayo man sa Pilipinas, muling magkikita-kita at magkakasiyahan ang mga Pinoy sa mga ganitong fiesta sa mga susunod pang taon.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.