PatrolPH

ALAMIN: Ano ang ugat ng malawakang protesta sa Amerika

TJ Manotoc, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 06:49 PM | Updated as of Jun 02 2020 08:25 PM

Watch more on iWantTFC

Kabi-kabila na ang kilos-protesta sa iba't ibang states sa Amerika bilang pagkondena sa pagkamatay ng African-American na si George Floyd sa kamay ng umaaresto sa kaniyang pulis na si Derek Chauvin sa Minneapolis, Minnesota.

Sumiklab na rin ang mga protesta sa New York sa East Coast hanggang sa Los Angeles sa California.

Gayundin sa labas ng White House sa Washington DC, dahilan para dalhin sa White House bunker si President Donald Trump noong Biyernes

Ang ilang protesta ay mas mapayapa habang ang ilan ay nauwi sa riot at looting. 

Napipilitan na rin ang mga pulis na gumamit ng tear gas at rubber bullets laban sa mga nagra-riot. Maging ang ilang miyembro ng media, di nakaligtas sa rubber bullets at tear gas.

Umabot na sa 40 siyudad sa Amerika ang nagpapatupad na ng mahigpit na 8 p.m. to 5 a.m. curfew.

May mahigit 4,000 nang nagra-riot ang naaresto.

Maraming estado na rin ang naghanda ng suporta mula sa National Guard na mula sa federal government para tulungan ang local police.

Bagama't karamihan ng mga nagpoprotesta ay mula sa black community, maraming Pinoy din ang lumalahok. 

Isa na rito ang Fil-Am NBA player na si Jordan Clarkson na nagmartsa sa Los Angeles.

Lunes ng hapon, sa unang public address ni Trump sa mga protesta, dineklara niya na handa siyang gamitin ang lakas ng militar para mabalik ang kapayapaan at kaayusan sa mga lansangan.

Matapos ang isang linggo, tila wala pang senyales ng paghupa ng mga protesta. 

Para sa mga nagra-rally, naghahanap pa sila ng hindi lang hustisya para kay Floyd, kundi senyales din ng pagbabago sa sistema para mabawasan na ang mga insidente ng racial police brutality.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.