TFC News

Pilipinas nakilahok sa 2023 Indian Ocean Conference sa Bangladesh

Annalyn 'Apol' Mabini | TFC News Bangladesh

Posted at May 29 2023 09:56 AM

DHAKA, BANGLADESH - Nakilahok ang Pilipinas sa 6th Indian Ocean Conference noong May 12-13 sa Dhaka, Bangladesh na kinatawan nina DFA Office of International Economic Relations Assistant Secretary Paul Vincent Uy at Philippine Ambassador to Bangladesh Leo Tito Ausan, Jr. 

Ayon pa sa DFA, kabilang sa mga naging speaker sa ikaapat na plenary si Asst. Sec. Uy kung saan niya nakasama bilang speakers ang United States Deputy Assistant Secretary at iba-ibang heads ng regional organizations tulad ng Bay of Bengal Initiative for Multi-Sectoral Technical and Economic Cooperation o BIMSTEC, South Asian Association for Regional Cooperation o SAARC, at ang D-8 Organization for Economic Cooperation.  

Bangladesh
Mga lumahok sa 6th Indian Ocean Conference noong May 12-13 sa Dhaka, Bangladesh kabilang na ang PIlipinas

Binigyang-diin ni Asst. Sec. Uy na bilang miyembro ng ASEAN ang Pilipinas, sumusuporta ang bansa sa kahalagahan ng international maritime law lalo na ang United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS sa pagsasaayos ng anumang marine disputes at sa pagsusulong ng kooperasyon para sa maritime safety at security at sa pagbibigay proteksyon sa marine environments. 

Dagdag pa ni Asst. Sec. Uy nakikiisa ang Pilipinas sa ASEAN Outlook on the Indo-Pacific o AOIP at kumikilala sa ASEAN centrality na siyang pangunahing prinsipyong nagsusulong ng kooperasyon sa Indo-Pacific region. 

Patuloy rin ang mga programa ng Pilipinas para pagbibigay solusyon sa biodiversity loss at pagkaubos ng mga isda at iba pang hindi tradisyunal na banta sa likas yamang tubig na layong matiyak ang food security at maisulong ang tamang paggamit ng marine resources. 

Handa ang Pilipinas na mas pagtibayin ang relasyon sa rehiyon para matiyak na ang mga karagatan ay mananatiling mga sona ng kapayapaan at kaunlaran hanggang sa mga susunod na henerasyon.