Mag-amang tubong Laoag City, namatay sa COVID-19 sa US

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 03:15 AM | Updated as of May 31 2020 09:29 PM

LAOAG CITY - Labis ang kalungkutan ng mga kaanak ng isang mag-ama dahil sa pagkamatay ng dalawa sa Amerika dahil sa COVID-19.

Kinilala ang ama na si Fernando Aquino at ang anak nito na si Arlene Aquino na tubong Laoag City pero ilang taon nang naninirahan sa California.

Tanging panalangin na lamang daw ang magagawa ni Anselma Aquino ng Barangay 1, Laoag City para sa kaniyang bayaw at pamangkin.

Pumanaw si Fernando nitong May 18 at sumunod si Arlene nitong May 25 dahil sa nasabing sakit.

Ani Anselma, unang naospital si Arlene. Sunod na naospital ang kaniyang ama at ina.

"Kasi si Arlene, nagta-trabaho sa isang ospital pero hindi siya puwedeng uuwi dahil si Kuya Ando ay bedridden. Siya ang mag-aalaga sa papa niya kaya kailangan na umuwi siya at dahil sa pag-uwi niya nahawaan niya ‘yung mama at papa niya pati ‘yung dalawang anak niya," kuwento ni Anselma.

Hindi na umano makalakad ang bayaw matapos maaksidente ito halos tatlong taon na ang nakararaan.

Kasalukuyan pang nasa ospital ang asawa ni Fernando.

Tinamaan din ng COVID-19 ang dalawang anak ni Arlene pero magaling na ang mga ito.

Plano pa umano ng mga ito na magbakasyon sa Pilipinas sa susunod na taon.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, umabot na sa 2,664 ang kabuuang bilang ng mga Filipinong nagkakasakit ng COVID-19 sa ibang bansa. 

Sa bilang na ito, 334 na ang namatay habang 930 naman ang gumaling.