Tradisyong Flores de Mayo, buhay sa Dubai

Rachel Salinel, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at May 28 2017 01:12 AM | Updated as of May 29 2017 04:24 PM

Nasa disyerto man ang mga kababayan natin sa Dubai, hindi pa rin sila papapigil para magdiwang ng Flores de Mayo. 

Simple at puno ng bayanihan ang kapansin-pansin sa pagdiriwang ng Flores de Mayo na ginawa sa compound lang ng simbahan sa Dubai.

“Ito ay isang magandang tradisyon na dapat ipagpatuloy na hindi dapat mahihinto, para sa susunod na generation gagawin pa rin nila ang celebration ng Flores de Mayo para kay Mama Mary,” ayon kay Lorelei Hernandez.

Karamihan ng dumalo sa prosesyon ay mga kabataan maliban sa mga naggagandahang mga dalaga at ginang at maging makikisig na mga ginoo.

Ikinatuwa ito ng mga Filipino sa lungsod.

“Pati mga bata nai-involve ngayon. At least sa murang edad nila nakikita nila ang tradisyon lalung-lalo na sa ating pananampalataya kay Mama Mary,” pahayag ni Yolly Gamboa.

May mga dayuhan din nakasaksi sa prosesyon na kinalugod din ng ginang na si Rowie Tarrobal.

“Maganda ito. Napapakita natin sa ibang lahi ang kultura nating mga Filipino on how we celebrate sa feast ni Mama Mary. Ito ay magandang ehemplo sa kanila. Nakikita nila tayong mga Filipino kung paano natin binibigyan ng importansya ang ating Mahal na Birhen,” saan ni Tarrobal.
 
Bukod sa pagbibihis ng mga barong, saya at iba-iba pang kasuotong pang fiesta sa Mayo may mas malalim pa ang dulot ng tradisyonal na prosesyon sa Dubai.

“Napakahalaga po sa mga Filipino ang pagdiriwang ng Flores de Mayo. Isang pamamaraan na maibsan ang kalungkutan na makapiling ang pamilya kasi ang Flores de Mayo ay pagdiriwang hindi lang ng mga bata kung hindi buong pamilya,” paliwanag ni "Fr. Chito Bartolo ng St. Mary's Church sa Dubai..

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.