Regularization ng mga foreign undocumented workers sa Italy aprubado na

Mye Mulingtapang, ABS-CBN news

Posted at May 26 2020 04:02 PM

MILAN - Magandang balita para sa mga TNT o mga walang ligal na papel sa Italya dahil aprubado na ang regularisasyon ng mga dayuhang manggagawa na hindi dokumentado.

Inaasahang mahigit 600,000 na illegal workers ang mabibigyan ng permit to stay sa bagong dekreto.

Makalipas ang sampung taon ay muling magkakaroon ng sanatoria na magbibigay daan sa regularization ng mga undocumented foreign workers, alinsunod sa Decreto Rilancio, sa pangunguna ng Minister of Agriculture na si Teresa Bellanova.

Maaaring mag-apply ang irregular Italian workers, irregular foreign workers mula European Union at Non-European Union states, at mga irregular immigrants.

Ang Italya ang isa sa mga pangunahing destinasyon ng mga overseas Filipino workers. Patunay ang daang libong Pinoy sa bansa, kasama na ang mga sumugal na mangamuhan kahit sa ilegal na paraan para sa pamilya at kanilang kinabukasan.
 
Ang isang irregular foreign worker ay maaaring makakuha ng formal employment contract, pati na ng residence permit. Posible ito para sa mga dayuhan na nasa Italian territory bago ang March 8, 2020.
 
Para naman sa work sector, maaaring mabigyan ng permit to stay ang mga nasa agriculture, breeding, animal husbandry, fishing and aquaculture at iba pang related activities, may mga may sakit at imbalido, at ang household service sector, kasama ang mga domestic helpers at caregivers.
 
Kasama din sa decree ang mga dayuhan na ang residence permit ay nag-expire pagkatapos ng October 31, 2020, at hindi na-renew o na-convert sa panibagong permit. Mabibigyan sila ng temporary residence permit na may bisa hanggang anim na buwan mula sa araw ng pagsusumite ng applikasyon at maaari lamang gamitin sa paghahanap ng trabaho sa Italya.
 
Sa mga may hawak na temporary residence permit, kung maipapakita sila na may subordinate employment contract, remuneration o social security documents, at magpapatunay na ang trabaho nila ay nasa nabanggit na sektor at naayon sa batas ang permit, maaari nilang i-convert sa residence permit for reasons of work.

Ayon kay Atty. Paul Francis Sombilla, Filipino court lawyer sa Italya, sa kabila ng pandemya ay isang magandang balita ang regularization para sa mga kababayang ilang taong nagtago at nagsakripisyo para lamang maitaguyod ang pamilya.

“Ito na yung starting point para matupad ang pangarap ng napakarami nating kababayan from precarieta o unstableness, na sinasabi mapunta doon sa stableness at economic stableness, pati na rin access to healthcare, ito na yung hinihintay natin,” sabi ni Sombilla.

Paliwanag niya, dapat maging mapanuri sa mga maaaring mananamantala at maningil ng mataas na halaga sa pagpapasa ng aplikasyon.

“Nakalagay sa decreto rilancio, yung mga specific na paraan ay lalabas pa sa isang decreto ministeriale. Ibig sabihin nito, yung mga detalye kung anong mga dokumento ang kailangan. Pagkalabas sa gazzetta ufficiale, dun nyo pa lang masasabi na ang decreto rilancio ay in vigore ito, o may bisa na,” dagdag pa ni Sombilla.

Mula June 1 hanggang July 15 lamang ang pagsusumite ng aplikasyon, at pangunahing kailangan ang pasaporte.

Para kay Weng Caraig ng Migrante Roma, maaaring maudlot pa ang pagkakataon ng ilang kababayan na hindi agad makakapag-renew ng kanilang pasaporte.

“Isa sa hiling natin, unahin sila kasi limited time ang pag-aapply ng mare-regularize. Isa sa panagawan natin sa Philippine embassy, especially kay Ambassador Nolasco, na unahin sila para maka-avail lahat,” sabi ni Caraig.

Ipinahayag naman ni Prime Minister Giuseppe Conte na ang hakbang na gawing regular ang mga undocumented ay para maiwasan ang labor abuse at mabigyan sila ng health care benefits, lalo na ngayong panahon ng pandemya.