Ilang OFWs sa Lebanon umalma sa umano'y di magandang pagtrato ng embahada

Rhyse Furio, ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 05:30 PM

BEIRUT, Lebanon — Umaalma ang ilang OFWs sa Lebanon sa umano'y hindi magandang pagtrato at hindi maayos na serbisyo sa kanila ng embahada dito. 

Dumating si Via Balagbagan, isang dating household service worker, sa repatriation center ng embahada noong Marso 11. Gusto niyang mapasama sa free mass repatriation program ng embahada na nagsimula noong Disyembre pero nataon na ipinatupad ang lockdown. 

Reklamo ni Balagbagan, panis umano at hindi raw malinis ang pagkain sa center. Hindi rin sapat ang sabon, shampoo at iba pang hygiene necessities. 

Kinukumpiska rin daw ang kanilang mga mobile phone at inireklamo si vice consul Edward Chan.

"Nagsisigaw na siya sa amin na kung sino ayaw magbalik ng telepono namin ay papalabasin niya... tatawag siya ng pulis, ipapakulong kami. Regarding po sa phone, talaga pong ayaw po naming ibalik dahil gusto po naming magkaroon ng updates sa nangyayari," ani Balagbagan. 

Paliwanag naman ng vice consul, kinukuha ang mga mobile phone para protektahan ang seguridad at lokasyon ng center at pati na rin ng repatriates dito. Binibigyan naman ang mga ito ng phone time para makakuha ng updates mula sa pamilya at kaibigan.

Si Thona Abobo naman, Filipino community leader ng Pusong Pinoy, ay naimbita ng embahada para ipaliwanag ang reklamo sa sekretarya ng yumaong ambassador tungkol sa kakulangan na tugon sa COVID-19 pandemic.

Ayon naman sa embahada, ipinaliwanag daw nila nang maayos kay Abobo ang tulong mula sa pamahalaan at distribusyon ng 721 relief packages sa undocumented OFWs.

Patuloy ang pakikipag-usap ng embahada sa Lebanese authorities tungkol sa free mass repatriation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.