Pinoy nakatanggap ng medalya mula sa Duke ng Luxembourg

Raquel Bernal-Crisostomo, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 10:46 PM

LUXEMBOURG - Nasorpresa si Gaudencio de Guzman Manalo nang makatanggap ng medalya at certificate of recognition mula kay Grand Duke Henri of Luxembourg. 

Mahigit dalawang buwan kasi siyang work from home bunsod ng krisis na COVID-19, kaya naman laking gulat nIya nang ibigay sa kanya ang medalya pagpasok nya sa trabaho nitong nakaraang linggo.

Ang parangal ay pagkilala ng kaharian sa naging kontribusyon ni Manalo sa libing ng kanyang ama na si Grand Duke Jean noong May 4 ng nakaraang taon.

Kabilang si Manalo sa technical team ng Luxembourg Army na nag-asikaso ng mga sasakyan na ginamit para maihatid nang maayos ang labi ng dating duke mula palasyo hanggang Notre Dame Cathedral, at hanggang sa huling himlayan sa Royal Crypt.

Kwento ni Manalo, trabaho nya ang tiyaking nasa maayos na kundisyon ang mga miltary vehicle kung saan nakapatong ang kabaong ng dating duke.

Mahigit isang dekada na siyang mekaniko sa Luxembourg Army.

Malaking karangalan daw na makatanggap ng medalya mula sa palasyo.

"Masaya ako, honored, kasi nakita at naramdaman ko na hindi mahalaga kung ano at kung sino ka," sabi ni Manalo.

"Ang tinitingnan nila ay kung paano mo ginampanan ang trabaho mo. Para sa isang Pinoy na dito nakatira, malaking karangalan na maparangalan ng Grand Duke."

Dating heavy weapon specialist si Manalo sa US Army na nakabase sa Luxembourg. Kinukumpuni nya ang mga tangke na ginagamit sa gyera. Naging aircraft mechanic din sya.

Nang lisanin ng US troops ang bansa, isa sya sa 50 katao na kinuha ng Luxembourg Army.

Kwento ni Manalo, malaking puntos din ang karangalang natanggap nya nang magtapos ng Maintenance and Diagnostic Course.
Recipient kasi sya ng Most Distinguished Honor award mula sa Central Texas College at US Army noong 2005.

Bago dito, nagtapos sya ng Marine Engineering sa Philippine Merchant Marine Academy noong 1991.

Ibinabahagi ni Manalo ang mga blessings na kanyang natatanggap sa mga kababayan sa Luxembourg at sa Pilipinas.

Kasama si Manalo sa iba't ibang fund-raising projects na ino-organisa ng kanyang grupo - ang Samahan ng mga Pilipino Luxembourg ASBL. Nakapagtayo sila ng micro financing sa Pilipinas na nagbibigay ng ayuda sa mga kooperatiba.