INDONESIA - Isa sa mga natalakay sa ASEAN Summit sa Labuan Bajo, Indonesia nitong Mayo ang problema sa human trafficking.
Makabagong teknolohiya at social media platforms na ang gamit sa modus ng mga sangkot dito.
Kamakailan lang nasagip sa Pampanga ang higit isanlibo sa mga nabiktima sa online scamming mula Indonesia, Vietnam, Malaysia, Thailand, at iba pang bahagi ng asya kabilang na ang Pilipinas.
“We are just waiting for the different agencies to come and get their nationals from us. And the first who actually contacted us was Bhutan and Indonesia…The Indonesian embassy is very cooperative and is very much hands-on and one of the firsts…because they are actually the one who initiated the information and the complaint. They are the first ones to come and rescue,” sabi ni PNP Anti-Cybercrime Group Spokesperson Police Captain Michelle Sabino.
Ayon sa International Organization for Migration ilan sa countries of destination ng mga biktima ang mga bansang Cambodia, Laos at Myanmar. Dahil dito, nagkasundo ang mga kasapi ng ASEAN na paigtingin ang pag-iimbestiga, pagkalap ng ebidensiya at pagsagawa ng joint operations laban sa human trafficking.
“Ang pinag-usapan sa nakaraang summit sa Labuan Bajo sa Indonesia ay para magkaroon ng pagtutulungan katulad ng border management, law enforcement, magpalitan ng best practices on investigation, and also prosecution and also protection and repatriation of the victims and support that we have to give to the victims,” sabi ni Ambassador and Permanent Representative to the ASEAN Joy Quintana.
Nagbabala naman ang pamahalaan ng Indonesia na matinding parusa ang haharapin ng mga sangkot sa human trafficking lalo na ‘yung nagpapapanggap na job recruiters.
Bukod sa issue ng human trafficking, pinagtuunan din ng pansin sa ASEAN summit ang “protection of migrant workers and family members in crisis situations” at ang “placement and protection of migrant fishers” na nakatuon sa mga nagtatrabaho sa mga commercial fishing vessel.
Sa pagtatapos ng summit, nagkasundo ang mga lider na ipagpapatuloy at palalakasin pa ang kooperasyon para tugunan ang mga suliraning nakaaapekto sa magkakalapit bansa.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.