TAIWAN - Itinampok ang galing sa musika at rakrakan ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs sa idinaos na Battle of the Bands sa Taiwan.
Inilunsad kamakailan ng Flipino community group na Kapisanan ng mga Pilipino sa Taiwan o mas kilala sa tawag na KAPITAN ang Battle of the Bands sa Chiayi, Taiwan kung saan official media partner ang IWantTFC ng ABS-CBN Corporation.
Binuksan ni Fr. Greg Sebastian ang spiritual adviser ng grupo, ang okasyon sa pamamagitan ng isang prayer. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng DMW at MECO Kaoshiung.
“On behalf of our Chairman Bebot Bello, we would like to congratulate the Kapitan Chiayi for holding this event and giving opportunity to our talented artists,” sabi ni MECO Kaoshiung Director Ma. Katrina Trayvilla.
Pitong bandang binubuo ng mga OFW sa Taiwan ang lumahok. Nagwagi bilang 2nd placer ang bandang A+ Project. 1st place winner naman ang bandang Guhit at grand champion ang bandang Kadena na nag-uwi ng cash prize na NT20,000. Labis ang pasasalamat ng presidente ng Kapitan dahil sa tagumpay ng Battle of the Bands.
“Sa lahat po ng bandang sumali, maraming, maraming salamat po. Sa lahat po ng nagtiwala na atin pong mga major sponsors, sa atin pong mga judges, salamat sa inyong pagtugon at higit sa lahat, sa IWant TFC at kay Marie Yang na nandito para icover ang event,” ani Anna Garcia, presidente ng Kapitan Chiayi.
Dahil sa tagumpay ng pinakaunang Battle of the Bands, inaasahan na masusundan pa ito sa susunod na taon.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.