Voter turnout ng mga Pinoy sa Europa mababa pa rin

Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 06:39 PM

Ipinakita ng ilang Pilipino ang natanggap nilang ballot packets para sa paglahok sa midterm polls sa Pilipinas. Larawan mula kay Jacke De Vega, ABS-CBN News

LONDON - Muling naging mababa ang voter turnout sa overseas absentee voting ng mga Pilipino sa Europa tulad ng nakaraang halalan, ayon sa datos mula sa mga embahada ng Pilipinas.

Naitalang 1,691 ang bumoto sa France mula sa 4,932 registered voters, habang 7,988 ang bumoto sa Espanya o 33 porsiyento ng total number of registered voters na nasa 23,625. Sakop o nasa jurisdiction ng Espanya ang bansang Andorra at Morocco sa bilangan.

Sa 2,475 registered voters naman sa The Netherlands, 627 lang ang bumoto.

Dismayado naman ang ilang Pilipino doon sa mababang voter turnout.

“Mga lumipat na ang iba at umuwi na yata ang iba kaya hindi na nakuha ang ibang balota," sabi ni Cora Espanto, isang poll watcher.

Sa Germany, 37 porsiyento ang bumoto o 2,321 mula sa 6,460 rehistradong botante. Kabilang dito ang 41 seafarers na bumoto na sinikap maabot ng embahada.

Sabi ni Philippine Ambassador-designate to Germany Maria Theresa Dizon-De Vega, dumayo pa sila sa mga barko para mapaboto ang mga seafarers.

“Ako po personal na pumunta po doon sa Hamburg, umakyat ho kami nung cruise liner at nakilala ho namin 'yung mga kababayan natin. Malaking bagay na ho iyon, kahit na malayo sila sa Pilipinas may pagkakataon silang bumoto,” paliwanag ni De Vega.

May 800 returned ballots o mga balotang bumalik sa embahada dahil wala na ang taong tatanggap sa address na naka-rehistro.

Ang UK at Ireland ang pangalawa sa Italya sa may pinakamalaking bilang ng registered voters sa Europa na nasa 32,442. Noong eleksyon, 8,175 o 25.19 porsiyento lang ang voter turnout.

Samantala sa Italy na may pinakamalaking bilang ng registered voters sa buong Europa na may 62,920, 20.67 porsiyento o 13,006 lang ang bumoto. Tumaas ito kumpara noong 2016 na 14 porsiyento lang ng voter turnout.

Tanging ang pinagsamang bilang ng registered voters sa Luxembourg at Belgium ang nakakakuha ng 50 porsiyentong voter turnout o 1,111 sa talang ng 2,210 registered voters.

Maganda rin ang voter turnout sa Russia na nasa 46.22 porsiyento sa 2,129 registered voters.

Patuloy pa rin ang hamon sa Commission on Elections kung paano patataasin ang bilang ng botante na boboto sa araw ng eleksyon.
-- May ulat nina Cory De Jesus, Niel Tero, Jacke De Vega, Sandra Sotelo, Orly Delos Santos, Jofelle Tesoro at Rocky Crisostomo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.