PatrolPH

Mga lalabag sa physical distancing sa Jakarta paglilinisin ng public toilet

ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 12:36 PM

JAKARTA, Indonesia - Paglilinisin ng mga pampublikong inidoro ang mga lalabag sa physical distancing sa lugar na ito, batay sa bagong patakaran ng lugar para malabanan ang banta ng coronavirus. 

Kasama ang "latrine duty" sa mga parusang ipapataw ng Jakarta, kabisera ng Indonesia, na layong mapigilan ang pagkalat ng coronavirus sa lugar. 

Batay sa mga bagong patakaran, ang pupunta naman sa mga pagtitipon ay paglilinisin ng mga public facility gaya ng mga palikuran habang nakasuot ng mga vest na nagsasabing lumabag sila sa quarantine protocols. 

Pagmumultahin ng 250,000 rupiah (Mahigit-kumulang PHP 844) ang mga hindi magsusuot ng face maks. Pagbabayarin naman ng 50 million rupiah (Katumbas ng PHP 168,943) ang mga negosyong lalabag sa public health rules at shutdown order. 

Nakatakdang ilabas ngayong linggo ang mga patakaran. 

Nagsagawa ng partial lockdown ang Jakarta, na may populasyon na 30 milyong katao, noong Abril sa pagdami ng kaso ng coronavirus sa lugar. 

May mga siyudad na naglagay ng kaparehang restriksyon. Pero talamak pa rin umano ang mga paglabag dito. 

Nitong weekend, may daan-daang katao na nagtipon sa Jakarta para gunitain ang pagsara ng isang fast-food restawran sa lugar; bagay na umani ng batikos. 

Magmula Martes, umabot ng 1,007 ang bilang ng namatay sa coronavirus sa Indonesia, habang may 14,749 kumpirmadong kaso. 

Pero pinaniniwalaang mas mataas pa ang bilang ng mga nahawahan ng sakit sa bansa, na may populasyon na higit 260 milyon. 

--Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.