PatrolPH

Mga Pinoy sa Rome nag-alay ng dugo para sa mga kritikal ang lagay dahil sa COVID-19

Jocelyn Ruiz Roxas, ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 06:59 PM | Updated as of May 12 2020 07:02 PM

Mga Pinoy sa Rome nag-alay ng dugo para sa mga kritikal ang lagay dahil sa COVID-19 1
Nag-donate ng dugo ang halos 30 Pinoy sa Rome, Italy para sa mga pasyente ng COVID-19 na nasa kritikal ang kalagayan.

ROME, Italy - Tinatayang 30 mga Pilipino ang boluntaryong nagbigay ng kanilang dugo bilang tulong sa mga pasyente ng COVID-19 na kritikal ang kondisyon.

Sa tulong ng IPARAMEDIC founder na si Dindo Malanyaon, naisagawa ang blood donation drive sa Via Magenta.

"Ngayon, may emergency sa COVID, maganda ang blood donation dahil tinitingnan at pinag-aaralan ngayon ang plasma transfusion na kung saan sa blood donation na ito iche-check lahat ng antibodies o anticorpi at kung may makita sa mga donors na ito at iyon ang gagamitin pang-terapia sa COVID patient," paliwanag ni Malanyaon.

Ang Italy ay isa sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamataas na bilang ng mga namatay sa COVID-19. 

Ang mga blood donors ay kinailangang mag fill-up ng form at dapat ay regular na namumuhay sa Italy dahil hahanapan sila ng kaukulang dokumento.

Mahigpit ang naging pagsusuri sa blood donors ng kanilang body temperature, blood pressure at health background.

Ang isang blood donor ay dapat may timbang na di bababa sa 50 kilos, nasa edad na 18 hanggang 65 years old, hindi positibo sa COVID-19, walang lagnat at nasa maayos na kalusugan.

Bawat Pinoy donor ay kinuhanan ng isang blood bag na naglalaman ng 450 ML na puwedeng makatulong sa tatlong tao na nangangailangan ng dugo.

Si Maritez Abeloza ay first time na nag-donate ng kaniyang dugo kaya naman daw pinaghandaan niya ito.

"Iyong preparations na ginawa ko kahapon at nakaraang days kumain ng atay, sabi pandagdag ng dugo, vegetables, red meat, healthy food sa bahay ang kinain ko at nang maganda din iyong dugo ko para sa mapagbibigyan," saad ni Abeloza.

Para naman kay Limuel Obaldo, sanay naman daw siyang mag-donate ng dugo kaya suportado niya ang programa.

"Dati po ako nagdo-donate na sa atin sa Pilipinas at ngayon po ay naka-set na po ito ng matagal ang pagdo-donate ng dugo tapos nga nagkaroon pa ng pandemic na ito, mas lalo pa makakatulong lalo na may kapasidad naman ako makapagbigay ng dugo, especially para sa mga nangangailangan,” sabi ni Obaldo.

Ayon sa ibang Pinoy donors, hindi lang pagtulong sa kapwa ang benepisyo ng blood donation dahil mainam din ito sa kalusugan.
 
"Ayos naman kasi mararamdaman mo iyong system ng pangangatawan mo na gumaganda ang circulation kasi mawawala iyong mga sakit, mga toxic, at iyong feeling na makakatulong ka pa para sa iba," sabi ni Kerwin Gregorio De Pasophia.

”Iyong una-unang malalaman mo kapag nag-blood donation ka, doon sa result mo malalaman kung mayroon kang sakit. At least maaagapan agad pero kung wala naman, OK din para sigurado ang kalusugan," sabi naman ni Rochelle Miguel Amberga.

Nanghihinayang naman si Juvy Phil dahil hindi siya nakapasa sa pagsusuri para makapagbigay ng dugo.

"Unfortunately, nalaman po mataas ang blood pressure ko, baka po next time kailangan ko munang ikontrol ang blood pressure. Nagpapasalamat na din ako na nalaman ko na mataas ang blood pressure kasi wala naman ako nararamdaman. Kailangan puntahan ko muna ang aking doctor within the week," ayon sa kaniya.

Dumating din si Ambassador Domingo Nolasco ng embahada ng Pilipinas sa Roma para suportahan ang Pinoy donors.

Makakakuha naman ng libreng complete laboratory examination, ECG, heart attack test at ire-record ang mga pangalan ng mga Pinoy donors sa blood bank in case of emergency na sila o ang kanilang kaanak ay mangailangan din ng dugo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.