TILA ZOMBIE: Batang ikinulong sa bahay nang 14 taon, nasagip

ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 10:59 AM | Updated as of May 12 2017 01:14 PM

Nakalaya na ang isang 14-taong gulang na lalaki mula sa bahay sa Jerusalem na nagmistulang kulungan niya sa loob ng 14 na taon.

Sinaklolohan ng awtoridad ang bata na ibinigay na sa pangangalaga ng social services, habang inaresto din ang magulang nito.

Russian ang salita ng mga magulang ng bata at hindi sila makaintindi ng Hebrew.

Ayon sa report ng Agence France-Presse, humingi ng tulong sa pulisya ang social services sa Hadera, sa hilagang bahagi ng Tel Aviv, matapos silang i-alerto ng isang kapitbahay ng pamilya hinggil sa umano’y batang nakita niya sa bintana na tila mukhang “zombie” sa isang nakakatakot na pelikula.

Ikinuwento ni Chiko Waknin sa isang panayam sa radyo kung bakit niya ipinagbigay alam sa awtoridad ang insidente.

"His eyes seemed to be saying, 'Help me', so I decided I had to do something," ayon kay Waknin. Idinagdag pa niya na napabayaan na ang bahay ng pamilya at may masangsang na amoy na rin na nagmumula rito.

Sinabi naman ni Dan Guilad, abugado ng mga magulang ng bata, sa Israeli media na pinoprotektahan lamang nila ang kanilang anak na may problema sa kalusugan.

Sa ulat pa sa radyo, sinabi umano ng bata sa pulisya na pinapayagan siyang lumabas sa bakuran ng kanilang apartment building dalawang beses kada buwan basta’t kasama ang kanyang magulang. Madalas umano ay sa gabi ito nagaganap.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.