Balota mula sa Dutch Caribbean at seafarers, tatanggapin ng PH post sa The Netherlands

Jofelle Tesorio, ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 08:21 PM

THE HAGUE – Ang embahada ng Pilipinas sa The Netherlands ay tatanggap na rin ng mga balota mula sa mga Pilipinong nakabase sa Dutch Caribbean.

Ang island territories ng The Netherlands ay kinabibilangan ng Aruba, Curacao, Saint Martin, Bonaire, St. Eustatius at Saba.

Ayon kay Ambassador Victor Jaime Ledda, dati ay nasa ilalim ang mga ito ng embahada sa Mexico at United States pero simula 2017 ay nailagay na ang mga ito sa ilalim ng kanilang pamamahala.

Bago mag-Abril 13, ang umpisa ng overseas absentee voting, naipadala na sa registered Filipino voters sa Caribbean territories ang mga balota na kailangang maibalik sa embahada ng alas-12 ng tanghali (Netherlands time) sa Mayo 13.

Ang Aruba ang may pinakamalaking grupo ng mga Pilipino sa Dutch Caribbean na aabot sa 4,000.

Wala pang estimate kung ilan ang mga balotang dumating mula sa Dutch Caribbean. Ang nakikitang problema lang umano ay ang pagkaantala sa post office kung sobrang last-minute ang pag-mail. Mahal din umano ang selyo kaya baka ma-discourage lang ang iba na bomoto.

Tumatanggap din ang embahada ng mga balota mula sa mga sea-based overseas Filipinos. Madalas kasi na maraming Pilipino na port of call ang The Netherlands o kaya naman ay nakasakay sa mga Dutch-flagged na barko.

Subalit ang magiging problema ay kung nasa laot ang mga ito at walang panahon na matanggap at maipadala ang mga balota.

Sa listahan ng Commission on Elections, may 43,033 ang registered voters sa ilalim ng kategoryang seafarers.

“It’s not easy to get in touch with them (seafarers) but what’s important is they’ve been made aware of the opportunities to vote… It is a challenge. I think it is one thing I suppose needs to be studied further how to effectively engage the seafarers so that they may be also able to cast their ballots,” pahayag ni Ledda.

Sa The Netherlands naman ay may 2,396 registered voters. May halos 46 percent umano ang turnout noong nakaraang eleksiyon. Sa website ng embassy, may 215 na registered voters ang kailangang pumunta sa embahada dahil bumalik ang mga balota o hindi na matunton ang address.

“We did consultations with our Filipino community leaders, we had our email blasts. We also had our social media accounts opened in time for the promotion of the elections and encouraging people to vote,” sabi ni Ledda.

Ipinaalala ng ambassador na kung ipapadala ang mga balota, dapat ay may sapat na palugit. Walang postal sorting at delivery tuwing Linggo at Lunes ang post office sa The Netherlands.

Bukas ang embahada sa Sabado at Linggo (May 11 at 12) para sa maghuhulog ng balota at ang bilangan ay manual na gagawin sa May 13. Tuloy din umano ang consular services sa embahada kahit eleksiyon. 

“Kung nakarehistro na kayo at natanggap niyo na balota niyo, please huwag po kayong maghintay ng huling sandali. Kung puwede lang pumunta na lang po kayo sa embassy at i-mail po niyo ang inyong balota,” ani Ledda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.