Mga Pinoy sa Middle East, nabigla, nalungkot sa pagpapatigil sa ABS-CBN broadcast

Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Posted at May 07 2020 07:38 PM

KUWAIT - Nabigla ang mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Gitnang Silangan sa biglaang pagpapatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) sa broadcast operations ng ABS-CBN. 

Isa si Kristian De La Paz, pangulo ng AKO-OFW Kuwait Chapter, sa mga nalungkot sa pagpapasara sa Kapamilya network na aniya ay tanging pinagkukunan niya ng balita at entertainment sa loob ng 15 taon niya sa bansa. Sabi ni De La Paz, wrong timing ito lalo pa't lahat ng mga Pilipino ay nasa kanilang mga bahay dahil sa pandemya.

"Kung bakit sa panahon ngayon ng pandemic which is ang mga Pilipino, ang mga OFW ay nasa kani-kanilang bahay biglang shinutdown itong ABS-CBN. Kailangang kailangan 'yan ng OFW. Ngayon sa nangyaring 'yan, para na rin ninyong binulag ang isang mata ng mga OFW para malaman namin kung anong nangyayari sa Pilipinas o ibang bansa. Para ninyo na rin kaming binusalan ang aming bibig na ayaw ninyong marinig ang aming mga halakhak," sabi De La Paz.

Nadismaya rin sa pagpapasara sa network si Annie Centeno. Ayon sa kaniya, bata pa lamang siya sinusubaybayan na nila ng kaniyang pamilya ang mga teleserye ng ABS-CBN.

"Totoo naman na maraming sumusubaybay dito hindi lamang sa Pilipinas pati ang mamayang Pilipino sa ibang bansa. ABS-CBN, thank you for the years of service," sabi niya.

Maging ang mga OFW sa Doha, Qatar ay nagulantang din sa pagpapasara sa network.

"Ako po ay nalulungkot dahil po sa panahon ngayon na kailangan ng bawat isa ng trabaho ay tiyak po na libo-libo na kababayan natin sa Pilipinas ang mawawalan po ng hanapbuhay. Nakakalungkot dahil ang kanilang mga pamilya ay umaasa sa kanila lalo na po ngayon sa panahon ng COVID pandemic,” Robin Roque Oira.
 
Para sa community leader na si Joseph Rivera, hangad niyang agad na makabalik sa ere ang ABS-CBN.

"Siyempre, nami-miss na rin po natin ang live reporting saka iba pa rin po talaga ang pakiramdam if ABS-CBN is live because it has been within our family, our households, whether in the Philippines or here abroad for the past 25 years or so," sabi niya.

Diin din ni Rivera na dapat gawin ng mga mambabatas ang trabaho nila.
 
"We need ABS-CBN back on the airwaves not because it's providing entertainment, not because it's providing news but simply because it is providing the well-needed information and the well-needed humanitarian support during this time of pandemic. Kami pong mga OFW we can only do so much, the ball is rolling in the Philippines. Nandito lamang po kami upang mag-antabay. Kaya nananawagan po uli ako sa lahat ng miyembro ng Kongreso, kailangan po ng sambayanang Pilipino ang ABS-CBN,” sabi ni Rivera.
 
Para naman sa ilang mga OFW sa United Arab Emirates, isang pagsupil sa malayang pamamahayag ang ginawa ng NTC sa ABS-CBN.

"NTC has suppressed the freedom of press and obviously they have bypassed the House of Congress who is supposed to tackle the issue since there is a pending hearing on this renewal of franchise," sabi ni Chona Catherine Bernabe, isang OFW sa Abu Dhabi.

Ikinalungkot din ni Jovel Dela Cruz ang balitang pagpapasara sa ABS-CBN at sa libo-libong manggagawang mawawalan ng trabaho dahil dito.

"Aside doon sa maraming mawawalan ng trabaho lalo na sa ngayong pandemic, apektado ako kasi sa ABS-CBN lalo na sa TFC kasi lang kami nakaka-update ng mga kaganapan sa Pilipinas lalo na mawawala rin 'yung inaabangang palabas. Naapektuhan na ako lalo at nalungkot ang nanay ko dahil 'yun lang pinagkakaabalahan niya panoorin lahat ng teleserye dahil 76-years-old na siya at nandito sa UAE," sabi ni Dela Cruz, isang OFW sa Dubai.
 
Paniwala naman ng ilang OFW sa Jeddah, Saudi Arabi na may mas malalim na dahilan kung bakit kailangang ipasara ang ABS-CBN.

"I believe that it is more than just a simple franchise issue, there’s something more to it. There is a hidden agenda behind the shutdown. All of these things are just a play. Shutting down ABS-CBN is based on flimsy reason and there’s a hidden agenda. We all watch ABS-CBN shows and we know that it has been making quality shows," sabi ni Lou Rennier Cruz Bercasio, isang CPA sa Jeddah. - May ulat nina Ardee De Leon sa Qatar), Vivien Napenas sa Abu Dhabi, Rachel Salinel sa Dubai, at Sherwin Zuniga sa Jeddah, ABS-CBN News