Pinay nagtapos na summa cum laude sa unibersidad sa Thailand

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 06:14 PM

Nagtapos na summa cum laude ang isang Filipina sa unibersidad sa Bangkok, Thailand. Photo courtesy of Nicole Louise Nicolas Poblete.

Nagtapos na may pinakamataas na karangalan sa isang unibersidad sa Bangkok, Thailand ang isang Pilipinang tubong Laoag City, Ilocos Norte.

Nagtapos si Nicole Louise Nicolas Poblete na summa cum laude sa kaniyang kursong Bachelor of Arts in Mass Communication, Major in Radio and TV Broadcasting mula sa Ramkhamhaeng University (RU) Institute of International Studies sa Bangkok, Thailand noong Marso 19.

Isa siya sa nagkamit ng pinakamataas na pagkilala sa mga nagtapos ngayong taon sa unibersidad.

"Not everyone has the privilege to get education. If you are fortunate enough, make the most out of it and be thankful," ani Poblete.

Tubong Laoag City si Poblete at sa Thailand siya nag-aral ng kolehiyo nang manirahan ang kanilang pamilya sa nasabing bansa bilang mga misyonaryo.

"Nahirapan talaga akong mag-adjust sa culture at language noong una. My friends and the people I've met, sila talaga tumulong sa akin," aniya.

Inspirasyon ni Poblete ang kaniyang mga magulang dahil sa mga sakripisyo para mapag-aral at maibigay ang lahat para sa kanilang magkakapatid.

May dalawa siyang nakababatang kapatid na nag-aaral din sa Thailand.

Nagsisilbing worship leader si Poblete sa kanilang simbahan.

"My advice when it comes to success is to not wait for life to be easy kasi kung 'yun ang hinihintay niyo, wala tayong mapapala," aniya.

Mula elementarya hanggang high school, consistent honor student si Poblete sa kaniyang paaralan sa Laoag City.

Sa ngayon, naghahanap ito ng trabaho at plano ring kumuha ng master's degree.