Mga Pinoy sa Tripoli, Libya pinalilikas na ng DFA

ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 03:06 PM

Iniutos ang mandatory evacuation o sapilitang paglikas ng mga Pinoy matapos itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Alert Level 4 sa Tripoli, kabisera ng Libya, ngayong Miyerkoles.

Ito ay kasunod ng girian ng mga paksiyon sa lungsod. Sakop ng alert level ang Tripoli at mga lugar na 100 kilometrong radius ang layo mula sa kabisera. 

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., inabisuhan na niya si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagtaas ng alert level sa Tripoli. 

Pero nilinaw ni Locsin na hindi nila maipipilit na lumikas ang mga Pinoy. 

"[We] cannot compel and rightly so--What is mandatory is that DFA stays in Tripoli until last OFW goes—& then it stays," ani Locsin. 

Ayon naman kay Foreign Affairs Undersecretary Elmer Cato, bukas ang kanilang linya para tulungan ang mga OFW na naiipit sa bakbakan. 

"We will stay and remain open to assist our kababayan in Tripoli and surrounding areas. We don’t have any plans of abandoning our people," ani Cato. 

Una nang umapela ang Department of Foreign Affairs sa lahat ng overseas Filipino workers sa Libya na bumalik na sa Pilipinas mula nang mag-umpisa ang mga kaguluhan sa kabisera ng Libya noong Abril 4.

Karamihan umano sa mga nagtatrabaho sa Libya ay mga nurse o mga trabahador sa mga oil field, ayon sa Department of Labor and Employment. 

Nagsimula na ring lumikas ang ilang Pinoy na naninirahan sa lugar. 

-- May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.