PatrolPH

OFWs ipinasilip ang kanilang 'new normal' sa Wuhan, ang pinagmulan ng COVID-19

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 06:48 PM | Updated as of May 12 2020 08:21 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Ipinasilip ng ilang overseas Filipino worker (OFW) ang kanilang "new normal" sa Wuhan City ng China, ang sinasabing pinagmulan ng sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19), bago ito kumalat sa buong mundo at naging pandemic. 

Ayon sa ilang OFW, halos balik-normal na ang kanilang buhay sa Wuhan City na kabisera ng Hubei province. 

Wala nang lockdown, bukas na ang mga tindahan at kainan. May mga tao na naglalakad sa kalsada, maging mga sasakyan ay bumibiyahe na. 

Enero 23 hanggang Abril 8 nagpatupad ng total lockdown ang siyudad.

Pero para kay Letty Cardeno na matagal nang nagtatrabaho sa Wuhan, iba na ang "normal" na pamumuhay pagkatapos ng 77 days na lockdown.

May ibinibigay na QR code sa bawat indibidwal. Kung kulay berde ang QR code, ay palatandaan itong malusog ang tao at patunay na walang sakit o sintomas ng coronavirus. 

Kung may sipon halimbawa tulad ni Cardeno, kailangan na raw agad magpa-test.

"You must go to COVID-19 test sabi nila. Baka kasi raw asymptomatic ako. Kasi nga nung after nag-lift 'yung lockdown, maraming lumabas na asymptomatic. Akala nila ako rin ay asymptomatic… Nakakainis kasi na-discriminate ka ganun," ani Cardeno. 

Nakasuot pa rin ng face mask ang mga tao.

"Ang mga tao naka-mask pa rin... Open na po ang mga shops pero hindi pa gaanong puwedeng kumain sa loob," ani Cardeno.

Kapag sasakay ng pampublikong sasakyan, kukuhanan muna ng temperatura at titingnan ang ID.

Ganito rin ang karanasan ng isa pang OFW sa Wuhan na si Chai Roxas. 

"Pag may kausap ako, 'yung malayo talaga as in merong distance kami. Tapos hindi mo alam kung nagpapakiramdaman sa isa’t isa lalo na mga workmate ko. Alam mo 'yung paranoid pa rin kayo. 'Yun 'yung mga napansin ko na pagbabago," sabi ni Roxas.

Gayon pa man, hindi pa rin burado sa alaala niya ang dagok na naranasan noong ma-lockdown mag-isa sa kasagsagan ng pagkalat ng virus. 

"Nakaka-trauma talaga during lockdown talagang traumatic experience lalo na ako mag-isa lang ako sa bahay," dagdag ni Roxas. 

Sina Cardeno at Roxas ang dalawa sa higit 50 OFWs na nagpasyang magpaiwan sa Wuhan nang mag-alok ang gobyerno ng repatriation para sa kanila.

"Ayoko, mas kailangan ko ng pera... Mas malaki pa rin advantage 'yung pag-stay dito tulad nito okay 'yung wifi pwede ako mag-part time online. Pag sa Pinas kasi baka magkakaproblema ako sa wifi so hindi ako kikita," ani Cardeno. 

"Thankful pa rin na andito ako na mas safe ako dito," sabi naman ni Roxas. 

Kaya ang payo nila sa mga nasa Pilipinas na nasa ilalim ng lockdown, kailangan may naipong pera, alagaan ang kalusugan, patibayin ang pananampalataya, at higit sa lahat ay kailangan ng suporta ng pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.