101-anyos nakaligtas sa Spanish flu, nalabanan ang cancer, gumaling ngayon sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 06:45 PM

Isang 101-anyos na babae na nakatira sa isang nursing home ang gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa New York.

Sa ulat ng CNN, kinilala siyang si Angelina Friedman, residente ng North Westchester Restorative Therapy & Nursing Center na matatagpuan sa Mohegan, New York.

 

Hindi na bago pa kay Friedman ang pandemyang dulot ng COVID-19. Sa katunayan, ito na ang ikalawang pandemiyang naranasan niya sa buong buhay niya. 

Taong 1918 nang ipinanganak sa isang barkong nagdala sa kaniyang pamilya sa New York mula Italy. Hitik din ng panahon na ito ang sakit na influeza na ikinamatay ng milyon-milyong katao sa buong mundo.

Ayon sa panayam ng CNN sa kaniyang anak na si Joanne Merola, binanggit nitong marami nang napagtagumpayang sakit ang ina tulad cancer, sepsis, internal bleeding at ilang beses na rin siyang naagasan.

Nahawa si Friedman ng virus nang pumunta siya sa ospital para sa isang procedure. May ilang linggo nagkaroon umano ng lagnat si Friedman na naka-isolate sa kaniyang kuwarto hanggang sa tuluyang gumaling at nag-test negative na noong Abril 20.

Balik normal na rin umano ang matanda sa mga dati nitong kinagagawian tulad ng pag-crochet.

Laking pasalamat ng kaniyang anak na gumaling ang ina. Napawi rin ang kaniyang pag-aalala sa ina matapos na makita ang nakangiting retrato nito sa Facebook page ng kaniyang nursing home.

"She's amazingly resilient, strong woman," sabi niya.

Base sa Abril 29 ulat ng World Health Organization, mayroon ng 983,457 kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang US, kabilang na dito ang 50,492 na bilang ng mga nasawi.