82 Pilipino sa Italya lumipad pauwi sa ilalim ng emergency repatriation dahil sa COVID-19

Maricel Burgonio, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 02:26 PM

TORINO, Italy - Isinagawa ang emergency repatriation ng 82 Pilipino Martes ng gabi mula sa Malpensa International Airport sa Italya pabalik ng Maynila sa gitna ng krisis na dulot ng coronovirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ay matapos na tugunan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kahilingan ng mga kababayan na umuwi sa Pilipinas dahil karamihan sa kanila ay nawalan ng trabaho mula sa sektor ng domestic at turismo nang ipinatupad ang lockdown sa buong Italya simula noong Marso 10 dahil sa pagkalat ng sakit.

Sa pahayag ng Philippine Consulate General-Milan (PCG-Milan), sinabi ni Consul General Bernadette Therese Fernandez na lulan ang 82 Pilipino ng Philippine Airlines flight na inaasahang lalapag sa bansa Miyerkoles ng hapon.

Ang mga repatriates ay binubuo ng overseas Filipino workers at kanilang mga pamilya at mga estudyante.

Mayroon nang 27,359 ang naitalang namatay sa Italy dulot ng COVID-19 disease at 68,941 recoveries, ayon sa pinakahuling report ng Ministry of Health ng Italya noong Martes.

Ang rehiyon ng Lombardy ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa Italya kung saan matatagpuan ang Milan.

Bumababa na ang bilang ng namamatay kada araw sa Italya, kung saan nagtala ng 282 noong araw ng Martes, mula sa pinakamataas na naitala kada araw na halos 1,000.

Nagpapasalamat si Fernandez sa kooperasyon ng mga Pilipino sa pre-repatriation procedures at binilin din sa mga ito ang physical distancing at personal hygiene habang nasa loob ng eroplano.

Matatandaang may 113 Pilipino ang humiling sa consulate at embassy sa Rome ng emergency repatriation.

Sinabi ni Rhoderick Ople, presidente ng Filipino community group na OFW Watch Italy, may 72 Pilipino sa kabuuang 113 ang nawalan ng trabaho at nagnais na makauwi sa Pilipinas. Ang iba naman ay nagsabing natatakot na mahawahan ng virus kaya nais na lamang na makauwi at makapiling ang mga pamilya sa Pilipinas.