Ilang OFW sa Kuwait, di makauuwi basta-basta kahit hinimok ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 05:24 PM | Updated as of Apr 30 2018 09:02 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Hindi basta-basta makauuwi sa Pilipinas ang ilang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait sa kabila ng hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumalik sa Pilipinas ang mga Pilipinong manggagawang naroroon.

May ilang OFW kasi na mayroong ibang kailangang isaalang-alang bukod sa kanilang trabaho sa Kuwait.

Isa si Fatima Castillo sa mga OFW na nag-aalinlangang kung paano uuwi sa Pilipinas gayong nag-aaral ang kaniyang mga anak sa Kuwait.

"Hindi mo naman puwede i-pull out iyong [mga bata] sa school dahil nag-aaral pa," ani Castillo.

Para naman sa OFW na si Christopher Torres na nagtatrabaho sa isang restoran sa Kuwait, mahirap umuwi lalo pa't siya ang nagtataguyod sa kaniyang mag-anak sa Pilipinas.

"Mayroon pa po akong pamilyang sinusustentuhan. Kailangan ko pong mag-stay dito para magtrabaho pa. Hindi ako makakauwi ngayon nang basta-basta," ani Torres.

Nag-aalinlangan din ang ibang Pinoy na umuwi lalo na’t wala naman daw kasiguruhan na may naghihintay na trabaho sa kanila sa Pilipinas.

"Hindi muna siguro [uuwi], hindi naman lahat ng mga OFW dito pinahihirapan, marami namang mamabait na employer dito," ani OFW na si MJ Silfavan.

May ilang OFW namang handang umuwi na sa Pilipinas.

"Kung 'yan ang gusto ng pangulo natin, e di wala tayong magagawa, sumunod na lang tayo sa kanya," sabi ni Edmil Annon.

Iginiit ni Duterte nitong Linggo na mananatili ang "deployment ban" o pagbawal sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait.

"The ban stays permanently. There will be no more recruitment, especially for domestic helpers. Wala na," pahayag ng pangulo pagkalapag sa Davao City matapos dumalo sa ika-32 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders' Summit sa Singapore.

Binitawan ni Duterte ang pahayag matapos tanungin hinggil sa mangyayari sa memorandum of understanding (MOU) na binubuo ng Pilipinas at Kuwait na naglalayong protektahan ang mga OFW sa naturang bansa.

Hiniling din ng pangulo sa daan libong OFW sa Kuwait na umuwi ng bansa at nangakong bibigyan sila ng ayuda ng gobyerno.

"For Filipino household service workers, if your Kuwaiti employers want you to leave, then please come home. Your government will do its best to help you return," sabi ni Duterte.

Mahigit 250,000 ang mga Pilipinong nagtratrabaho sa Kuwait.

Tinatayang 170,000 sa bilang na 'yan ay nagtatrabaho sa bahay habang ang nalalabing bilang ay empleyado ng mga ospital, oil field, hotel, at mga restaurant.

Noong Abril 25, kinumpirma ni Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa sa ABS-CBN News ang pag-expel sa kaniya ng Kuwaiti Foreign Ministry.

Nag-ugat ang isyu sa lumabas na video kung saan sinabi umano ni Villa na hindi kailangan ang tulong ng mga awtoridad sa Kuwait para saklolohan ang mga 'di dokumentadong Pinoy.

Tampok sa nag-viral na video ang pag-rescue ng ilang opisyal ng embahada sa mga Pinoy na household service workers (HSW).

Bago paalisin sa Kuwait si Villa, nag-sorry rin si Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kaugnay sa rescue video na ikinagalit ng gobyerno ng Kuwait.

Ayon sa kalihim, karaniwang nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa pagsaklolo sa mga OFW, maliban sa mga panahong nakataya na ang buhay ng Pinoy na nagpapa-rescue.

"We apologize to the Kuwaiti government, the Kuwaiti people and the leaders of Kuwait if they were offended by some actions taken by the Philippine Embassy... it was all done in the spirit of emergency action to protect Filipinos," ani Cayetano.

Mananatiling bukas ang Philippine Embassy sa Kuwait at patuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa mga OFW doon. 

Inaantabayan pa rin ng mga Pinoy ang reaksiyon ng gobyerno ng Kuwait sa ginawang panawagan ni Duterte na umuwi ang gustong umuwi at maiwan ang gusto pang magtrabaho roon. 

Umaasa rin ang ilang Pinoy na maaayos pa ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa.

-- Ulat ni Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.