Pinoy ICU nurse sa UAE, pumanaw sa COVID-19

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 02:27 PM

Isa sa mga pioneer na Filipino nurse si Marlon Jimenea sa University Hospital of Sharjah (UHS) sa United Arab Emirates. Nasawi ito kamakailan dahil sa COVID-19. Handout

Isang Filipino intensive care unit (ICU) nurse sa University Hospital of Sharjah (UHS) sa United Arab Emirates (UAE) ang nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Linggo ng umaga nang pumanaw si Marlon Jimenea, 44 anyos, na may walong taon ding nagtrabaho bilang nurse sa UAE.

Una siyang na-admit sa ospital noong Abril 5. Siya ang kauna-unahang Filipino frontliner na nasawi dahil sa COVID-19 sa UAE.

Ayon sa Pinoy nurse na si Misyl Jovero, namatay si Jimenea dahil sa kumplikasyong dala ng virus. Si Jovero ang isa sa mga nurse na na-assign kay Jimenea habang ito ay nasa ospital.

Kuwento ni Jovero, isa sa pioneer Filipino staff nurses ng pagamutan si Jimenea at kilala bilang "kuya-kuya" at "tatay". Isinalarawan din siya bilang mabait, masipag at matulunging nurse sa UHS at hindi pala-reklamo.

Dagdag ni Jovero, ilang araw bago namatay ang tubong Iloilo na nurse ay nagpahayag pa ito ng pag-aalala sa kaniyang mag-ina na sina Merry Janet, isa ring nurse sa bansa, at 6-taong gulang na anak na si Queenie.

“Ginawa ng mga doctor namin ang lahat ng treatment at therapy para ma-save si Kuya Marlon pero bumigay pa rin ang katawan niya at nagka multiple organ failure,” sabi ni Jovero.

Halos 70 porsiyento sa mga nurse sa UHS ay mga Pilipino.

“We all felt a sense of loss. We consider each other as one big family in the hospital and he was a good mentor, a big brother who is irreplaceable,” pahayag ng isa pang kasamahan na nurse na si Shirley Gorospe.

“We see him as a model of loyalty in his dedicated service to the people and to his duty being in the medical profession. We are truly going to miss a fallen brethren,” dagdag niya.

Maliban sa kalungkutan, hindi rin daw nila maiwasang makaramdam ng pangamba sa exposure nila sa COVID-19.

“Kaya dapat mag-ingat lahat ng health care workers. And they should consider all patients as infectious and they should not forget always to protect themselves from the virus,” sabi ni Amy Miranda, isang nurse at adviser sa grupo ng Pinoy nurses sa Dubai at Northern Emirates.

“Nakikiramay po ako sa pamilya ng yumao at dalangin ko po ay magkaroon ng lakas ng loob at bagong pag-asa ang naiwang pamilya ng yumao,” ayon kay Paolo Guevarra, isang volunteer nurse sa Philippine Overseas Labor Office medical mission sa Dubai.

Nagpaala rin siya sa kapwa nurses na ingatan ang sarili at palakasin ang immune system sa pamamagitan ng pagkain ng balanced diet at pag-inom ng tubig gayundin ng vitamin C at ang pag-practice lagi ng paghuhugas ng kamay.

Samantala, nag-oorganisa na ng pagkalap ng tulong pinansiyal ang ilang Pilipino nurse sa UAE bilang pakikiramay sa naiwang pamilya ni Jimenea.

Nakatakdang i-cremate ang mga labi ni Jimenea alinsunod sa health and safety rules ng UAE lalo na’t siya ay COVID-19 patient.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.