PatrolPH

OFW sa Taiwan, nais ipa-deport ng opisyal ng DOLE dahil sa Facebook posts nito vs Duterte

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 03:22 PM | Updated as of Apr 26 2020 06:06 PM

MAYNILA — Isang caregiver sa Taiwan ang nais ipa-deport ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Taichung City dahil umano sa mga social media post nito na "pambabastos" at layong magdulot ng galit kay Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ang POLO ay isang opisina sa ilalim ng Department of Labor and Employment na layong protektahan ang mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho abroad. 

Ayon kay Fidel Macauyag, labor attaché ng POLO-Taichung City, itinutulak nila ang deportation ng babaeng OFW dahil sa paggamit ng iba't ibang "pekeng" accounts. 

Tinawag ni Macauyag na "nasty and malevolent materials intended to cause hatred" at "organized to discredit and malign the President and destabilize the government" ang mga post ng naturang OFW, na nagtatrabaho daw sa Yunlin county. 

Nauna na daw binalaan ng POLO ang babae noong Abril 20 na "krimen" ang ginagawa niya na maaaring mapanagot sa Taiwan at Pilipinas. 

Nangako daw ang OFW na hihingi ng tawad at buburahin ang kaniyang posts.

"However, hours after the visit, several posts were seen on the POLO Taichung’s Facebook page from several fake accounts assuring (the worker's) cause and further giving her assurance of support," ani Macauyag.

Nakikipagugnayan na daw ang POLO sa employer ng OFW para mapa-deport ito at makasuhan ng cyberlibel sa ilalim ng Republic Act No. 10175 or the Cybercrime Prevention Act of 2012.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.