Amnesty para sa di dokumentadong OFW sa Kuwait, hanggang ngayong Linggo lang

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2018 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hanggang ngayong Linggo na lang ang amnesty program ng gobyerno para sa mga hindi dokumentadong overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Kahit sa huling araw ay daan-daan pa rin ang humabol na makauwi sa Pilipinas.

Isa sa kanila si alyas "Tintin."

Nahuli siya ng uwi dahil natagalan ang dokumento ng kaniyang isang taong gulang na anak.

Mapapait na alaala ang bitbit ni Tintin pauwi dahil sa pangmamaltrato ng dating amo.

Umaasa siyang mas magandang buhay ang kaniyang makakamit sa pagbabalik sa Pilipinas.

Nitong Sabado, Abril 21, halos kalahati naman ng nagsiuwian mula sa Kuwait ay mga bata o mga anak ng mga OFW na sumailalim sa programang amnestiya.

Mahigit 5,000 OFW ang napauwi sa ilalim ng amnesty program.

Kahit kalahati lang ang bilang na iyan sa target ng Department of Foreign Affairs, itinuturing pa rin nilang matagumpay ang programa.

Binigyan ng P10,000 ang mga umuwing OFW para sa kanilang bagong buhay.

Enero nang magsimula ang amnestiya para sa mga OFW sa Kuwait.

Nito lang Pebrero nang ipagbawal ang pagpapadala sa mga bagong-hire na OFW papuntang Kuwait sa gitna ng mga report ng pang-aabuso sa mga Pinoy household service worker (HSW).

Kasabay nito, nagimbal ang bayan sa sinapit ng Pinay na si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

Hinihinalang isang taon nang patay si Demafelis nang matagpuan ang kaniyang bangkay.

Kalauna'y nahuli ng mga awtoridad ang mag-asawang Lebanese at Syrian na employer ni Demafelis at mga suspek sa pagkamatay ng OFW.

Sa gitna naman ng umiiral na ban, hiniling ng ilang OFW sa Kuwait na huwag naman sanang pigilan maging ang pag-alis ng Pinoy skilled workers papuntang Kuwait.

Noong Marso, sinabi ng DOLE na maaaring bawiin na ang deployment ban para sa skilled workers pero hindi ang para sa mga HSW.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.