Ilang Pinoy dumayo sa Vatican para sa Semana Santa

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2019 03:54 PM

VATICAN CITY — Matapos ang humigit kumulang 300 taon, ang orihinal na Holy Stairs ay naka-display ngayon sa publiko sa lugar na ito kasabay ng paggunita sa Semana Santa.

Ang Holy Stairs o Scala Sancta ay pinaniniwalaang parte ng hagdan kung saan umakyat si Hesukristo papanik para sa hatol ni Poncio Pilato.

Sinasabing natuluan ng dugo ni Hesus ang ilan sa 28 marble steps. Ang mga deboto, kinakailangang umakyat habang nakaluhod hangga't makarating ng tuktok.

Dahil dito, ilang Pinoy ang dumayo pa ng Vatican kung nasaan ang seat of Catholic Church para dito magnilay-nilay sa Semana Santa.

Ang iba, galing pa ng Amerika at Canada.

"I'm raising my daughter as a Catholic and this is a big thing for her. I keep on telling her like we are one of the first groups of people to get to experience doing this," sabi ni Rosalie Balolot na nakatira na sa Toronto, Canada.

Si Ferdinand Garcia, limang beses nang bumisita ng Roma ngunit ngayong taon ay ang unang beses na ipagdiriwang niya ang Holy Week sa Roma.

"Para ma-renew ko 'yung faith ko sa Panginoon... Ang sarap na sa pakiramdam," sabi ni Garcia, na nakabase na sa Washington DC.

Para naman kay Joel Atienza na Pinoy sa Milan, Italy, 10 taon na ang nakaraan nang huli siyang mag-Holy Week sa Vatican.

"I-celebrate natin 'yung holiness kasi 'yun naman 'yung gusto ni God," aniya.

Espesyal naman para kay Maybelline Pinto ang bakasyon niya dahil mula Pinas ay lumipad siya sa Italya para dito magdiwang ng Semana Santa at para na rin sa reunion nila ng mga kaibigan.

"I feel like I'm closer to Him. I feel like it has strengthened my Christianity. I get to reflect on what has gone well as a Catholic for me, what didn't go so well, and how I could, you know, live a stronger Christian life," sabi ni Pinto na taga-Pasig City.

Tatakpan muli ang Holy Stairs sa Hunyo.

—Ulat ni Jackie de Vega, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.