PatrolPH

Food drive ikinasa para sa 'no work, no pay' OFWs sa Kuwait

Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 08:23 PM | Updated as of Apr 17 2020 09:33 PM

Food drive ikinasa para sa 'no work, no pay' OFWs sa Kuwait 1
Nagbigay ng oras ang mga volunteers ng #PinoyArabiaLoves para sa pag repack ng relief goods para sa mga Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. Maxxy Santiago, ABS-CBN News

KUWAIT CITY - Nagtulong-tulong ang mga Pilipino at Kuwaiti volunteers para handugan ng ayuda ang mga Pinoy na humihingi ng tulong matapos mawalan ng trabaho dahil sa epekto ng pandemyang dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Paspas ang mga volunteer sa pag-repack ng relief goods para sa mga Pilipinong no work, no pay matapos na mag-public holiday ang Kuwait simula noong Marso 12 para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

"Ang daming tumatawag sa Pinoy Arabia. Sabi nila, wala silang work, wala silang sahod. Nabuo 'yong tinatawag nating Pinoy Arabia Loves tapos maraming sumuporta, maraming nagbigay ng tulong," sabi ni Ben Garcia, anchor ng Pinoy Arabia, isang community online radio sa Kuwait.

Pinangunahan ng Pinoy Arabia ang food drive sa pakikipagtulungan ng Pinoy artist na si Bruha Eve at asawa niyang si Jalil Marvin.

"We’re just very happy and grateful that God put us in a position na nakakatulong kami sa mga tao lalo na sa mga kababayan natin. We’re able to inspire them, give them hope na hindi sila nag-iisa," sabi ni Bruha Eve, may ari ng Bruha Eve Art World.

Watch more on iWantTFC

May 240,000 na overseas Filipino workers sa Kuwait: 65 percent ay household service workers at 35 percent dito o 84,000 ay mga skilled o semi-skilled workers. Tinatayang higit 80 percent sa kanila ay apektado ng lockdown. 

"Masaya siyempre, may takot ng konti. OK lang at saka nakakatulong naman tayo," sabi ng volunteer na si Joseph Hernandez.

Kabilang sa nabiyayaan sa food drive ay ang grupo ng coffee shop workers na karamihan ay may isang taon nang nagtatrabaho sa Kuwait. Mayroon ding kararating lamang sa bansa bago mag-lockdown.

Araw-araw din tumutulong ang magkasintahang Mykel Molina at Joanne Ocampo. Namigay rin sila ng gatas at diapers para sa mga bata.

"Humbling experience siya once mamigay kami ourselves sa mga nangangailangan," sabi ni Molina.
 
Dagdag naman ni Ocampo na matapos ang mag-repack ng goods, nagbahay-bahay sila para ipamigay ang mga ito.
 
"The more na nalalaman mo ang stories ng iba kahit na pagod ka na, you need to continue," saad ni Ocampo.
 
Maging ilang miyembro ng Royal family, nag volunteer din tulad ni Sheikha Juju Al Sabah at ang kaniyang kaibigang si Kalthom Al-Shatti. Sila mismo ang nagde-deliver ng mga relief goods sa mga Pinoy.

Nakipag-ugnayan sila sa mga kaibigang sina Bruha Eve at asawa nito kung paano makatutulong sa Filipino community.

"As a Kuwaiti, I want expats to know that Kuwait is a safe place. It was truly a blessing, a blessed experience and alhamdullilah, I got to witness it and feel blessed for everything that surrounds me," sabi niya. 

Naniniwala naman ni Al-Shatti na tama lang na magtulungan sa panahon ng krisis.

"I help the Filipino community because they are my friends and they are part of the Kuwaiti community. I truly believe that all of us in this situation, kindly help each other. It’s time to help. It’s time to give," sabi niya.

Kahit pa naka-total lockdown ang ilang lugar sa Kuwait, pilit na inaabot ng mga volunteer ang tulong sa mga Pilipinong nangangailangan.

Mahigit dalawang linggo nang namimigay ng ayuda ang mga volunteer at higit 6,000 food packs na rin ang kanilang naipamigay sa mga Pilipino.

Pinasalamatan naman ni Garcia ang malaking tulong na ambag ni Bruha Eve at ng mga sumuporta at nag volunteer para maging matagumpay ang Pinoy Arabia Love.

"Alam mo ang laking pasasalamat talaga natin sa mga taong ito na naging very helpful talaga," sabi ni Garcia.

Sa ngayon, may mga ilang grupo na rin ang gumagawa ng kanilang mga pagkilos para matulungan ang mga Pilipinong nangangailangan. 

Maging ang Philippine Overseas Labor Office ng Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) sa Kuwait ay nagsimula na ring magbigay ng ayuda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.