Mag-asawang Pinoy, umaapela kay Duterte na mabawi ang 4 na anak sa UK

Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 11:19 PM | Updated as of Apr 17 2019 12:53 PM

LONDON (UPDATE) - Unang umapela sa pamamagitan ng social media ang mag-asawang Rubirosa at Fidel Iturrios na mabawi ang 4 na anak na kinuha sa kanila ng social services sa UK dahil sa pamamalo at pagdidisiplinang Pinoy-style sa mga anak na British-Pinoy.

Matapos makulong at imbestigahan ng social services ng Portsmouth, England noong Setyembre 2018, kinuha sa pangangalaga ng mag-asawa ang kanilang 4 na anak --16 anyos ang panganay at 8 anyos lang ang pinakabunso.

Nag-ugat daw ito sa reklamo nila sa isang kabitbahay na bumuwelta sa kanila at isinumbong sila sa pulis ng pang-aabuso sa 4 na anak.

Sa simula, hindi raw nila alam na bawal paluin ang mga bata bilang pagdidisiplina sa UK.

"Nung unang nagpunta ang social worker, 'di naman namin alam na ilegal pala ang pamamalo sa UK. Wala po kaming alam na ganun. Nung nasa prison ako at inarest ako, sabi ang batas 'di naman wini-withhold ang pagdidisiplina," ani Rubirosa, 43 anyos.

Kung namalo man daw sila, hindi labis.

"'Yun pong alegasyon na excessive chastisement na sinasabi, hindi po 'yun totoo. Opo namalo po kami. Tapping only," dagdag ni Rubirosa.

Pero hindi kumbinsido ang korte na 'di gumagamit ng dahas ang mag-asawa na mahigpit na pinagbabawal sa UK. Nitong Marso, lumabas ang desisyon ng korte at 'di pabor sa mag-asawa.

Kaya umaapela silang muli kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng ABS-CBN Europe News Bureau.

"Sir, lumalapit po kami sa inyo na nawa’y matulungan ninyo kami na makabalik ang mga bata, kasi 'di maganda ang kalagayan nila. Kinuha nila ang mga bata dahil pinoprotekahan daw dahil dinisiplina namin. Pero bakit nag-end up ang mga anak namin na may pasa, may galos. Nagsipayatan sa foster care at na-fracture ang anak naming bunso," ani Rubirosa.

"Sana maibalik sa amin kasi kawawa sila sa fostering," pahayag ni Fidel.

Kapos din daw ang tulong ng embahada.

“Kasi 'di po maliwanag kung ano ang puwede nilang magawa sa mga bata na makabalik," ayon sa mag-asawa.

Dagdag ni Rubirosa: “Kasi may jurisdiction naman po talaga sa amin dahil mga Filipino national kami. Ang jurisdiction lang po ng korte kasi dito nakatira ang mga bata."

Pero sabi ni Consul Voltaire Mauricio ng Philippine Embassy sa London, hindi sila nagkulang sa pagtulong. Katunayan dahil British citizen na ang ina at 2 sa 4 na anak, pinag-dual citizen sila para maka-aksiyon ang embahada.

Sa kanilang imbestigasyon, kasama pa ang 2 pang opisyales ng embahada, napag-alaman na mabuti naman ang kalagayan ng mga bata sa foster care.

"Ang una na naming tulong na kumbinsihin siya na mag dual citizen. So ginawa namin 'yun para maka-acquire kami ng jurisdiction," ani Mauricio.

Ang susi raw para maibalik ang mga bata ay nasa kamay ng mag-asawa.

"We told her softly the truth, which was what the court had been telling her, that the children don’t want to go back to her because of the use of chastisement," ani Mauricio.

Dagdag pa niya, "'Yung idinulog niya sa presidente, nauunawaan naman natin 'yun na sa Pilipinas tayo lahat ay pinalaki sa disiplina. But we now evolved as a society.”

Pero ayaw maniwala ng mag-asawa na ayaw ng bumalik ng mga bata sa kanila.

"Hindi po kami naniniwala na ayaw bumalik ng mga bata kasi base sa aming obserbasyon at 'yun ang sinasabi nila na gusto nilang bumalik sa amin," ani Rubirosa.

Sa dokumentong nakalap ng ABS-CBN, isa sa kondisyon ng husgado para maibalik ang mga bata ay kailangang magpagaling si Rubirosa dahil sa 2 independent report na isinumite sa husgado na dumadaan ang ina sa psychological problem.

“Ito ang ayaw naming ilabas -- merong findings ang 2 dalubhasa, stating that she has a mental disorder. That’s part of the problem. As I said, the key is in her hands: it’s not an appeal, it’s not a legal case anymore. It’s for her to go into treatment," ani Mauricio.

Pero mariing itinanggi ni Rubirosa na mayroon siyang karamdaman o may mental issue siya. Katunayan, kagagaling  lang daw niya sa sa GP o doctor at walang rekomendasyon na kailangan niyang magpagamot. 

Sa loob ng 5 buwan, puwede pa raw maibalik ang mga bata kung gagawin nila ang utos ng husgado.

"If she wants the children back, nandun naman sinabi naman ng hukuman, you have to take the therapy," dagdag ni Mauricio.

Payo rin ng embahada sa mga British-Pinoy na naninirahan sa UK, sundin ang batas ng bansa dahil ito ang nakakasakop sa mga naninirahan dito.