Mag-asawa sa New York na 50 taon nang kasal, may 1 buwan nang hindi nagkikita dahil sa coronavirus

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2020 11:35 AM

Ipinapakita ni Howard Smith ang mga alahas na gawa ng asawang si Lois, na may Alzheimer's disease at nasa New Paltz Center nursing facility sa New York. Nasa isang buwan na ang lumipas mula ng mabisita ni Howard ang asawa sa gitna ng coronavirus disease pandemic. April 5, 2020. Caitlin Ochs, Reuters/File

NEW YORK - Limampung taon na ang nakalipas nang magsimula ang kuwentong pag-ibig nina Howard Smith at kaniyang misis na si Lois nang dahil sa niluluto nilang pastry sa Paris, France.

Ngayong may banta ng coronavirus, agam-agam nila kung paano magwawakas ang kanilang kuwento.

Huli umanong nakita ni Howard si Lois isang buwan na ang nakalilipas ngayong nasa loob ng nursing home ang kaniyang misis na may Alzheimer’s disease.

Inaabot ng 40 minuto ang kaniyang biyahe papunta sa New Paltz Center nursing home sa Hudson River Valley sa New York City, ang episentro ngayon ng coronavirus outbreak sa Estados Unidos.

Nahiwalay aniya ang mag-asawa simula nang suspindehin ng gobyerno sa lugar ang pagbisita sa mga nursing home para sa kapakanan ng mga nakatira rito.

Naiintindihan man ni Howard ang pangangailangang maibsan ang paglobo ng bilang ng mga kaso, tingin niya'y nakasalalay ang buhay ng kaniyang misis sa pagbisita niya rito.

Nais din umano niyang malaman kung gaano pa siya katagal mawawalay sa kaniyang asawa at nag-aalala rin aniya siya sa mga taong kapareha niya ng karanasan.

Sa libo-libo kasing mga kaanak na naka-confine ngayon sa mga nursing home, wala umano sila halos mga update sa mga nagtatrabaho sa loob ng mga ito.

"It's a complete banishment," ayon kay Howard, na namatayan ng lola sa Spanish flu noong 1918.

"I don't know if I'll see Lois again."

Hindi na umano makapagsalita at madalang na lang idilat ni Lois ang kaniyang mga mata. Hindi rin umano nito maalala ang kalahating parte ng kanilang kuwentong pag-ibig.

Nagkakilala ang mag-asawa sa Paris art gallery noong naninirahan pa ang mga ito sa bansang France, Enero 1970.

Ayon kay Howard, na dating pintor, tila aniya 50 minuto lang ang nakalipas sa halip na 50 taon.

Tandang-tanda pa raw niya kung paano umusbong ang kanilang buhay pag-ibig sa Paris. Naging cook, school teacher, drug and alcohol counselor, nurse’s aide at sculpture patina expert si Lois para matutukan ng mister ang kaniyang pagiging pintor, ayon kay Howard.

Naalala rin ni Howard kung kailan nagsimulang mawala ang mga alaala ni Lois hangga’t sa umabot sa puntong hindi na siya maalala nito.

Ilang beses ding nabanggit ni Howard na mas gusto na lang muna niyang alalahanin kung paano malalagpasan ang krisis sa COVID-19 sa Amerika, na tinatantiyang aabot sa libo-libong pagkamatay sakaling lumala pa ang krisis.

Pero may mga pagkakataong nagbabalik-tanaw siya sa mga alaala kasama ang kaniyang misis.

PUGAD NG SAKIT: MGA NURSING HOME

Isa sa pinakainaalala sa krisis ng coronavirus sa Amerika ang kalagayan ng mga matatandang inilagay sa mga nursing home. Mas matindi kasi ang epekto ng virus sa mga may edad na.

Pangamba rin dito ng ilang pamilya ang posibilidad na mamatay ang mga mahal sa buhay nang hindi nila kapiling.

Sa isang White House briefing noong Martes, sinasabing posibleng umabot sa 240,000 ang mga mamamatay sa coronavirus, pero may mga pag-aaral na sinasabing maaari pa itong bumaba.

Sa ngayon, nasa 7,000 na ang namatay sa New York dahil sa COVID-19.

Isa sa mga nursing home sa Amerika na pinakasapul ng krisis sa coronavirus ang nursing home sa Kirkland, Washington.

Aabot sa 3 dosenang residente na ang namatay dahil sa virus— habang nakawalay sa kanilang mga mahal sa buhay.

Maaari lang pagmasdan ng mga kaanak ang mga ito mula sa bintana. Pero ang kuwarto ni Lois, walang bintana para masilayan ng kaniyang mister.

Aabot sa 15,000 nursing homes sa Amerika sa ngayon ang naka-quarantine at aabot sa 1.5 milyon ang mga nakatira dito. Kahit pa man walang bisita, labas-pasok pa rin ang mga trabahador nito.

Apektado rin sila sa kakulangan ng personal protective equipment kaya napipilitan ang ilan na mag-absent na lang lalo na kapag nakararamdam na ng sintomas ng COVID-19.

Gaya ng mga cruise ship, nagiging pugad ng virus ang mga nursing home. Magmula Abril 9, may nasa 4,000 kaso na ng coronavirus ang naitala sa mga nursing home sa loob ng New York habang 1,231 dito ang namatay na.

Matindi ring naapektuhan ang mga elder care facility sa Europa. Sa bansang Italy, naibalita ng Reuters na hindi na sinasama minsan sa kanilang death toll ang mga namamatay sa COVID-19 sa loob ng mga nursing home.

Hindi alam ni Howard kung mayroong kaso ng COVID-19 sa nursing home ng kaniyang asawa. Sa ngayon, hindi pa makapagbigay ng pahayag ang nasabing nursing home.

Ngayon, kinokondisyon ni Howard ang sarili niya sakaling may masamang mangyari sa kaniyang misis.

Pero giit niya na hindi niya alam kung ano ang aasahan niya sa krisis na ito.

"I'm far more concerned for society than for myself or Lois,” aniya.

Bukod sa virus, pinoproblema rin ngayon ng mga residente ng mga nursing home ang kakulangan ng pasilidad. Nakasalalay rin ang ilang residente nito sa aruga ng mga bumibisita sa kanilang mga kamag-anak.

Para kay Howard, hindi makatuwiran ang isang blanket visitation ban sakaling magtagal ito nang buwan.

"The days don't mean anything to me right now," aniya. "My only cues at home come from the cat that needs to be fed."

ALALA NG PAGSASAMA

Noong wala pang banta ng COVID-19, dumarating si Howard sa nursing home ng misis pagkatapos mag-almusal ng mga residente. Sinisiguro niyang makakapunta siya nang tama sa oras.

Nagpapatugtog ng classical music si Howard para sa misis, at minsang hinahawakan ang kaniyang kamay.

"It's a way we still have of communicating," paliwanag niya.

Tinutulungan niyang mag-ehersisyo si Lois at kung maganda ang panahon, pinapaarawan niya ito sa labas. Nililinisan din niya ang mga ngipin ni Lois at hinuhugasan ang mga talukap ng mga mata nito para maibsan ang pamamaga.

Sa huling tatlong beses na bumisita si Howard, binuka ni Lois ang kaniyang mga mata at ngumiti.

"There's still that spark of recognition," aniya. "It's sporadic, and unusual for someone whose disease is so advanced."

Nagmistulang “Arabian Nights” ang mga naging panayam kay Howard sa haba at dami ng naging kuwento nito sa Reuters.

Dahil mag-isa siya sa bahay, naghanap siya ng mga retrato at mga journal entry.

"This has conjured up all sorts of memories," aniya.

Ilan sa mga inalaalang kuwento ni Howard ang unang beses na nakilala niya si Lois, na noo’t art historian, sa Ileana Sonnabend gallery.

Pagkatapos ng ilang taon lumuwas sila pa-New York at nanirahan sa isang artists’ loft sa Manhattan.

Naisipan nilang magkaroon ng anak, pero kalauna’y nakunan si Lois. Noong 1994, inampon nila ang isang bata mula sa Tsina nang mag-1 anyos ito at pinangalanang Laurel.

Naitala ni Lois sa journal ang mga nagawa niya para sa kanilang anak. Isa rito ang paghain sa kaniya ng anak ng almusal.

"It's very important to record what I can of Laurel's history, to give her a past because she has no connection to a Chinese family which could tie her down as it were to specific time, place and individuals – no family stories, diseases, disasters, etc,” aniya.

Pagdating ng early 2000s, nagsimula ang mga sintomas ni Lois. Una siyang nagkaroon ng nocturnal seizure, at kalauna’y naging makalilimutin na.

Noong 2008, na-diagnose ng epilepsy si Lois. Alzheimer’s naman noong 2010.

"Everything changed… But I just made adjustments in my work life and my painting to be with her, and care for her,” ayon kay Howard.

Ngayon, agam-agam ni Laurel na hindi niya makita ang kaniyang mga magulang dahil naka-isolate rin siya sa kaniyang apartment sa East Harlem. Ganito rin ang pakiramdam ng aabot sa daan-milyong Amerikanong naka-quarantine.

Madalang lumabas si Laurel, na nagtatrabaho sa isang marketing firm, sa kaniyang apartment. Work-from-home ngayon si Laurel, at naririnig na lamang niya ang tunog ng mga ambulansya sa labas.

"I think a lot about my dad," aniya. "He is bound by routines, and caring for my mom is at the center of all that."

Sa bahay unang inalagaan ni Howard si Lois nang ma-diagnose ito ng Alzheimer’s at unti-unting naging pahirapan ang pag-aalaga sa kaniya. Bago ilipat si Lois sa nursing home taong 2015, isinama pa siya ni Howard sa Paris.

Bandang Marso, nakatanggap si Howard ng e-mail mula sa doktor sa nursing home na maayos ang kalagayan ni Lois.

Simula noon, masasamang balita na ang nakarating sa kaniya. Tatlong beses umanong isinuka ni Lois ang kaniyang pagkain, at nabalitang may coronavirus pa ang kalapit na retirement home dito, kung saan isa na ang namamatay.

Hindi inaasahan ng nursing staff na mabubuhay pa nang matagal si Lois simula noong ipasok ito sa nursing home. Pero ikinagulat umano ni Howard na nailaban ng misis ang ilang beses na nasa bingit na ito ng kamatayan.

May iilang nursing home na pinapayagan ang pagbisita kapag namamatay na ang kaanak. Pero ayaw umano ni Howard ng ganito. Binibisita raw kasi niya si Lois para manaitili itong buhay.

— Isinalin mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.