Ilang Pinoy sa Italy, nakatanggap ng tulong

Maricel Burgonio, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 05:22 AM | Updated as of Apr 10 2020 09:16 AM

Nagkakahalaga ng 25 euros ng groceries ang na presyo ng isang voucher. Maricel Burgonio, ABS-CBN News

Maraming Pinoy ang nakatanggap ng Buoni Spesa o food shopping voucher, lalo na sa mga nawalan o nabawasan ng trabaho sa gitna ng krisis na dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Torino, Italy.

Nagsimula nang magbigay ng voucher ang gobyerno ng Italya mula 300 hanggang 500 euros kahapon sa mga kwalipikadong residente ng Italya na nangangailangan ng tulong.

Ang bawat voucher ay nagkakahalaga ng 25 euros, na pwedeng gamitin ang dalawang voucher sa isang araw na magkahiwalay ang transaksyon.

Si Rosemarie Besana, isang Filipino household helper sa Torino, Italy ipinamimili ang nakuhang voucher mula sa gobyerno ng Italy. Maricel Burgonio, ABS-CBN News

Si Rosemarie Lizardo Besana, 53 anyos at may apat na anak, laking pasasalamat pagkatapos maaaprubahan ang 500 euros na voucher.

“Ang voucher ay malaking tulong sa pamilya namin, lalo na sa sitwasyon ngayon dito,” ani kay Rosemarie.

Pansamantala siyang nawalan ng trabaho, pati ang kanyang asawa dahil sa ipinatupad na lockdown sa Italya.

Aniya, naubusan na sila ng budget noong Marso pa at nanghihiram na lang sa mga kaibigan.

Pero nitong Miyerkules, nakapamili na siya ng pagkain para sa pamilya dahil pumasa siya sa food voucher program.

“Malaking tulong po ang voucher na more or less P20,000 bawat pamilya,” ayon kay Rosalie Cuballes, presidente ng Filipino community group sa Torino na ACFIL o Associazione Culturale Filippina del Piemonte, kung saan ang grupo ang nagpamahagi ng impormasyon at tumulong sa mga Pinoy dito na makapag-apply ng voucher.

“Natutuwa po ako at nagpapasalamat sa Munisipyo ng Torino dahil maraming mga Filipino ang nakatanggap ng buoni spesa/voucher. Pinafollow-up sa amin ng staff ng Assessore ng immigrasyon kung ang mga Pinoy ba ay naka-apply na. Pinafollow-up po sa Acfil ang mga qualified mag-avail. Kaya sobrang masaya ako dahil nagmessage sila sa akin na na-approved sila at nabigyan sila ng tag 400 at iba naman ay €500," dagdag ni Cuballes.

Patuloy pa rin ang pamimigay ng relief goods ng Acfil sa mga pamilyang Pilipino sa Torino na nangangailangan ng tulong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.