Tulong, apela ng pamilya ng namatay na Pinoy dahil sa COVID-19 sa Milan

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 01:21 PM


MILAN - Pumanaw ang isang 44-anyos na Pinoy sa isang ospital sa Milan Biyernes ng hapon matapos ang mahigit 20 araw na pakikipaglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang 20-anyos na anak ni "John" nagpositibo rin sa COVID-19 pero dahil mild symptoms lang ang naramdaman ay pinayuhan na lang siyang mag self-isolate sa bahay. 

Marso 12 nang magkaroon ng lagnat si John. Makalipas lang ang isang linggo, nahirapan na siyang makahinga.

Emosyonal na ibinahagi ng asawa nitong si Sonia ang kaniyang nararamdaman at ang hirap ng sitwasyon na kailangan niyang harapin. 

"Mahirap. Talagang mahirap. Pero noong makita ko naman ang asawa ko medyo naibsan naman. Masakit lang talaga. Sobra," ani Sonia.

Dahil sa lockdown, walang trabaho si Sonia at wala rin silang permanenteng tirahan. Walang ibang kamag-anak sina Sonia sa Italya. Tanging sila lamang mag-iina ang magkakasama sa pagharap sa sunod-sunod na dagok sa kanilang buhay.

"Kailangan daw ako ang humanap ng funeraria para maialis ko dun sa ospital. Hangga't maaari ayaw ko rin naman na tumagal ang asawa ko doon. Ayoko din naman kahit sa huli eh di ko din naman siya pababayaan," dagdag ni Sonia.

Bago pa man pumanaw si John ay humingi na ng tulong si Sonia para sa pagkain nilang mag-anak. Mayroon namang mga kababayan na nagmagandang-loob na magbigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mga anak ni Sonia. 

Bukod sa pagkain at araw-araw na gastusin ay kailangan din ni Sonia ng perang panggastos sa pagpapalibing kay John.

Bigo din si Sonia na makahingi ng tulong sa kinauukulan.

"Hinihintay ko din nga ang tulong ng Consulate, sabi bibigyan ako ng spesa (grocery). Wala naman binibigay sa amin," ani Sonia.

Walang opisyal na datos o bilang ng mga Pilipinong apektado ng COVID-19 sa Italy, ayon kay Philippine Ambassador to Italy Domingo Nolasco, dahil umano sa mahigpit na privacy law ng Italy. 

Nasa 119,827 na ang nagpositibo at 14,681 naman ang namatay sa Italya dahil sa COVID-19, ayon sa datos ng Department of Civil Protection.