Labi ng OFW na namatay sa Saudi, naiuwi na

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 12:12 PM | Updated as of Jan 11 2019 05:54 PM

Naiuwi na sa General Santos City ang bangkay ng OFW na namatay umano sa cardiac arrest sa Saudi Arabia. 

GENERAL SANTOS CITY – Dumating na sa lungsod Miyerkoles ng umaga ang mga labi ng 41-anyos na domestic worker na namatay sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sa medical report, nakasaad na namatay sa cardiac arrest si Veronica Christy Benarao noong Marso 3 matapos maospital ng ilang araw.

Ayon sa pamilya ni Benarao, Pebrero 24 nang himatayin sa bahay ng kaniyang amo ang OFW. Agad siyang sinugod sa ospital at napagalamang may high blood ito. Nagkaroon ng internal hemorrhage at dineklarang brain dead ang OFW bago tuluyang mamatay.

Nais ngayong ipa-autopsy ng pamilya ang bangkay ng OFW para makasigurong walang foul play sa kaniyang pagkamatay. 

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang Committee on Labor and Employment sa City Council at nais panagutin ang agency ni Benarao dahil napag-alaman na nag-expire na ang kontrata niya at nakatakda na sanang umuwi noong Disyembre pero na-extend ito dahil walang naging kapalit na kasambahay ang amo nito.

Ayon sa grupong Advocates and Keepers Organization of OFWs, may sakit si Benarao bago pa umalis ng bansa kaya dapat hindi ito pinayagang umalis para magtrabaho sa Saudi Arabia.

Nangako naman ng tulong ang Overseas Workers Welfare Administration sa pamilya. Bibigyan ng scholarship ang 4 na naulilang anak ni Benarao at P15,000 na livelihood assistance.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.